Mabuhay!

Ito ang Bahay-saliksikan ng Bulacan (Center for Bulacan Studies). Sentro para sa pananaliksik at programa ng Bulacan State University ukol sa kalinangan, kasaysayan, at iba pang larangan ng pag-aaral ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan at pagkamit ng mahigpit na bigkis-panlipunan at kaunalaran ng pamayanan.

Sapagkat ika'y Bulakenyo, PILIPINO!

Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
Ito ay dinisenyo ng dating direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Reynaldo S. Naguit noong 2003 na pinagtibay ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan

Tungkol sa Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

A

ng luntiang kawayan (na nakapabilog) ay sumasagisag sa pangunahing sagisag ng Bulacan, ang kawayan, na isang pangkalahatang sagisag na makikita sa mga sagisag-pambayan ng mga bayan at lungsod sa Bulacan. Gayundin ito’y sumasagisag bilang kinatawan ng lahat ng halaman sapagkat kinilala ang Lalawigan ng Bulacan mula pa noong panahon ng mga Kastila at mga Amerikano bilang “Hardin ng Pilipinas.” At ito rin ay sumasagisag maging sa kawayang bansot o bukawe na sumasagisag sa katapangan ng mga Bulakenyo, at gayundin ng katutubong sandata ng mga unang mamamayan ng Bulacan, ang mga Dumagat. Ang baybayin na ba, sa, at ba ay sumasagisag sa inisyal na titik ng “Bahay-saliksikan ng Bulacan” sa lumang ortograpiyang Filipino. Ang 1998 naman ay kumakatawan sa taon kung kailan naisilang ang BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan. Ang rayos (gear) ay sumasagisag sa istandard na sagisag ng Bulacan State University bilang institusyong kumakalinga sa Bahay-saliksikan ng Bulacan. Ang apoy ay sumasagisag sa adhikain ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na maging tanglaw sa mga Bulakenyo hinggil sa pagpapalaganap ng kaalamang bayan ng buong Bulacan hinggil sa sining, kalinangan, at kasaysayan. Ang dalisdis ng bundok ay sumasagisag sa kalibutan ng Mahabi-habi Pagotan ng mga Dumagat o ang Sierra Madre, at maging ang Biak-na-Bato, San Miguel, Bulacan. At ang Simbahan ng Barasoain ay kumakatawan sa pinakakilalang bagay na sumasagisag sa Bulacan lalo na sa kasaysayan.

Ang unang sagisag nito noong 1998 ay isang kalabaw na may mga banderitas sa sungay kung saan ito ang siya ring opsiyal na sagisag ng Singkaban Festival o Linggo ng Bulacan na nilikha ni Dir. Armand Sta. Ana ng Provincial Youth, Sports, Entrepreneurship, Culture and the Arts ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PYSEACO). Subalit noong 2004 ito’y binago at ginawan ng sariling sagisag at disenyo ni Prop. Ray Naguit kung saan ito na ngayon ang opisyal na ginagamit ng Bahay-saliksikan.

Tungkol sa Bahay-saliksikan ng Bulacan

My photo
Lungsod ng Malolos, Lalawigan ng Bulacan, Philippines
Sa pakikiisa ng Bulacan State University at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulakan,Inc., itinatag noong 1998 ang isang bahay-saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ito ay nasimulang imungkahi ni Dr. Jaime B. Veneracion ng Unibersidad ng Pilipinas at noo'y pangulo ng SAMPAKA, Inc. na isang Bulakenyo noong 1997 sa dating pangulo ng BulSU na si Dr. Rosario Pimentel. Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay-saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay -saliksikan ng Bulacan upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito.

Kasaysayan ng Bahay-saliksikan ng Bulacan


Sa pakikiisa ng Bulacan State University (BulSU) at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, Inc. (SAMPAKA), itinatag noong 1998 ang isang bahay saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ang unang proyekto nitong isinagawa (kasama ang SAMPAKA, Inc.) ay ang pagsasagawa ng International Conference on Malolos Congress noong 1998 sa Bulwagang Valencia sa BulSU, Lungsod ng Malolos, Bulacan.


Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay Saliksikan ng Bulacan (BSB) upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito. Pinangunahan itonoon ng direktor ng Bahay Saliksikan (na propesor at kasalukuyang dekano ng BulSU-Instituto ng Agham Panlipunan at Pilosopiya) na si Reynaldo S. Naguit at ginamit ang pambansang wika ng Pilipinas sa loob ng Bahay Saliksikan, ang Filipino (kung saan ang katagang “Bahay Saliksikan” ay naunang ginamit ng Bahay Saliksikan ng Kasaysayan o BAKAS, isang samahang pangkasaysayan ng mga mananalaysay ng bansa). Magkagayunpaman, ang CBS ay nanatiling pangalan na katumbas ng BSB sa Ingles (e.g.: Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies, DLSU-Dasmariñas Cavite Studies Center, Tarlac State University – Center for Tarlaqueño Studies, at iba pa)

Mula 1998, mayroon ng dalawang naupong direktor ang Bahay Saliksikan: sina Prop. Jaime Corpuz (1998-2002) at Prop. Ray Naguit (2002-2007). At sa kasalukuyan, si Prop. Agnes Crisostomo ang siyang direktor ng Bahay Saliksikan mula 2007 hanggang 2010.

Dati itong naghihimpil sa kasalukuyang BulSU-Alumni Association nang mahigit sa isang semestre noong 1998 at nailipat ng lumaon sa BulSU Annex (na tinatawag ding BulSU Spratly Bldg.) hanggang 2002. At nang maupo si Dir. Naguit na direktor ay kanyang pinag-isa ang opisina nito at ang BulSU – Aklatang Antonio B. Valeriano na nasa Bulwagang Roxas (gusali ng karunungan ng Kolehiyo ng Edukasyon) upang mabantayan ang unti-unting pagkawala ng mga koleksyon ng isa sa mga dakilang lokal na mananalaysay ng Bulacan na si Antonio “Ka Tunying” Valeriano. Nakatulong ito ng malaki sa pananaliksikang Bulakenyo sapagkat mayorya sa mga koleksyon ni Ka Tunying ay tungkol sa Bulakanyana.

Sa kasalukuyan, isa ang BulSU – Bahay Saliksikan ng Bulacan sa mga unang center studies ng mga lalawigan, pangkat kultural at kasaysayan ng bansa. Gayundin ay isa ito sa kinikilalang matagumpay na research center ng bansa dahil sa pagpapatuloy nito sa pagpapakilala ng kalinangan at kasaysayan ng makasaysayang Lalawigan ng Bulacan, at higit sa lahat ay kinilala rin ito ng Surian sa Wikang Filipino bilang institusyong nagtataguyod ng wikang Filipino sa Bulacan at sa buong bansa.

Misyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

L

inangin ang diwang makabayan ng mga Bulakenyo sa pamamagitan ng paglalathala ng mga aklat, research, monograph, at balitaan tungkol sa kultura at kasaysayan ng Bulakan at pagtitipon ng mga tala o datos na magagamit ng sinumang mananaliksik tungkol sa Bulakan na magiging batayan ng mga pampublikong patakaran. Maingatan sa isang lagakan (arkibo at museo) sa hinaharap, ang mga artifacts at lumang dokumento ng Bulacan at magiging tagapagsanay sa mga pormal na kurso sa B.S. Kasaysayang Lokal at tagapag-unay sa mga katulad na institusyon/ ahensya na nagtataguyod ng pag-aaral tungkol sa Bulacan at Kasaysayang Bayan.

Bisyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

I

sang mabisang sentrong panasaliksikan na lumilinang sa kaisipang panlugar (sense of place) at diwang makabayan (nationalism) ng mga Bulakenyo, humhubog sa kamalayan sa kanilang pamanang kultura tungo sa makabuluhang pakikilahok sa mga gampanin sa pamayanan, at may kagalingang nakapagsasagawa ng mga gawaing pangkaalaman (scholarly pursuits) na nagpapahayag ng ambag ng pamantasan sa pagpapaunlad ng mga pamayanan at bansa.

Layunin ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

*

A

ng Bahay Saliksikan ng Bulacan ay sentro para sa pananaliksik. Ito’y programa ng Bulacan State University bilang ambag nito sa paglinang ng kaalaman at paspapanatili ng sarili nitong sining, kalinangan, kasaysayan at iba pang larangan na patungkol sa pag-aaral ng kabuuan ng Bulacan bilang lalawigan. Naglalayong ito na pagyamanin ang bigkis-panlipunan at makaambag sa pag-unlad ng pamayanan tungo sa pambansang pagkakakilanlan.

Ang mga Gawain nito ay nahahati sa limang pangkat gawain:

Limang Pangkat-Gawain

* Pananaliksik (Research) na nakatuon sa pagtataguyod ng pamanang pangkalinangan o cultural ng Bulacan at pagbubuo ng mga datos na maaring batayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies)

* Edukasyon at Pamamahagi ng mga kasalukuyang diskurso sa agham panlipunan tungo sa pagbibigay- saligan ng mga kontemporaryong pananaw at kagawian

* Paglalathala (Publication) ng mga bunga ng pagsasaliksik sa anumang larangan ng panlipunang proseso at institusyon, kasaysayan, sining, at kalinangang Bulakenyo

* Pagtataguyod (Advocacy) ng sariling kalinangan bilang pagtuon sa anumang programang pangkaunlaran

* Pakikipag-ugnay (Linkages) at Kolaborasyon sa ibang mga institusyon, kagawaran, at samahan upang mapag-isa ang mga gawaing nagtataguyod ng sining, kalinangan, at kasaysayan tungo sa pambansang kaunlaran at pagkakakilanlan

Sa makatuwid, ito ay naglalayong:

* Magbigay-daan sa mga guro ng pamantasan at mga iskolar na Bulakenyo para sa kanilang pagkabantad sa mga kasalukuyang usapin at talakayan sa agham panlipunan na may kinalaman sa Bulacan. Gayundin ay magbukas ng pagkakataon para sa pagpapalawig ng mga gawaing pangkaalaman sa pamamagitan ng pananaliksik, paglalathala, at bilang tagapagsalita sa mga panayam at komperesiya.

* Maglathala ng mga aklat, sinaliksik, monograph, at talastasan tungkol sa sining, kalinangan, kasaysayan, at mga pamayanan ng Bulacan.

* Makipag-ugnay sa mga sangay ng Kagawaran ng Edukasyon sa pagpapaunlad ng nilalaman ukol sa kalinangan (kultura) ng kurikulum para sa mataas na edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay pagsasanay sa pagtuturo ng sining, kalinangan, at kasaysayang lokal at pambansa.

* Gumawa ng mga modyul sa pagtuturo at manwal para sa mga guro para sa kasaysayang lokal ng Bulacan.

* Magsagawa ng mga talakayan (round table discussions), mga panayam, at mga komperensya ukol sa sining, kalinangan, kasaysayan, sosyo-ekonomiko, at pampulitikang usapin ng Bulakan.

* Magtipon ng batayang datos (baseline data) at komprehensibong impormasyon ukol sa Bulacan na magagamit ng sinumang mananaliksik at mapagbabatayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies).

* Maitatag ang matibay na ugnayan sa ibang mga institusyon, samahan, at ahensya ng pamahalaan na nakatuon sa pag-aaral ng sining, kalinangan, kasaysayang lokal, at kasaysayang bayan.

* Paunlarin ang malayang daloy at palitan ng impormasyon at pananaliksik tungkol sa kasaysayang lokal sining, at kalinangan sa antas-lokal at pambansa.

* Kilalanin ang gampanin ng mga katutubong tao sa Bulacan sa pagpapaunlad ng kalinangan ng lalawigan.

* Magsulong ng mga programa upang pangalagaan ang mga nasasalat at `di-nasasalat na sining at pamanang pangkalinangan ng Bulacan.

* Mangalaga ng museong magtatanghal at mag-iingat ng mga memorabilia ng pamantasan, at gayundin ng mga artifacts, mga makasaysayang kagamitan, mga larawang pangkasaysayan, at iba pang mga bagay na nagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Bulacan.

* Magbukas, sa ilalim ng Instituto ng mga Agham Panlipunan at Pilosopiya, ng pormal na kurso na B.S. Local History at Philippine Studies.

Monday, 28 April 2008

KAMALAYANG BAYAN NG MGA BULAKENYO, ISANG SULIRANING PANLALAWIGAN NG MAKULAY AT MAKASAYSAYANG BULACAN

ni Ian Christopher B. Alfonso
Mananaliksik
Bahay-saliksikan ng Bulacan
(halaw mula sa papel na ipinasa ng Bahay-saliksikan para sa pagdining ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa resolusyong naglalayong ipagdiwang sa Lalawigan ng Bulacan ang Pambansang Araw ng Watawat ng Pilipinas)

Pambungad

Tunay na makasaysayan ang Lalawigan ng Bulacan, at ito’y walang duda. Hindi nakapagtataka na normal na lamang na mabanggit ang pangalan ng Bulacan sa kasaysayan, gayundin sa iba pang larangan gaya ng agham, edukasyon, sining, palakasan, at serbisyong bayan. Kaya’t ang sabihing “kinaiinggitan ang Bulacan,” ayon kay Bise-Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado, ay isang pagkilala na dapat patunayan ng Bulacan sa kasalukuyan.

Hindi na kailangan pang isa-isahin ang mgabagay ng makapagpatunay na tayo nga ang sentro ng kasaysayan. Paano nating maipararamdam sa iba na sa pagpasok nila sa Bulacan ay ramdam nilang makatapak sila sa lupain ng Kasaysayan at kaunlaran. At higit sa lahat ay kung paano natin maipapanatili ang pagkilalang ito sa atin ng iba na hindi sila madidismaya at masasayang ang kanilang impresyon sa dakila ng lalawigan natin.


Pagbasag sa Problema

Maraming iskolar na Bulakenyo ang nagsasabing “kulang” ang damdamin at espirito ng kasaysayan at kalinangan sa Bulacan. Samaktuwid ay “hindi” maramdam, lalong-higit ng marami sa mga Bulakenyo, na sila’y nasa makasaysayang Bulacan. Marami ding natatawa na lamang sa iba, lalo na ang mga Pilipinong mula pa sa Kamaynilaan at rehiyong Kapampangan, sa tuwing sinasabi nila na “…Ramdam ba ninyong makasaysayan sa Bulacan?” Ang sagot ng ilan sa mga Bulakenyo na matawa tawa pa “…Ay nako! Huwag ka ng umasa; Kami nga mismong Bulakenyo hindi maramdaman ito…” Nakakalungkot mang isipin at ito ang napapansing higit ng Bahay-saliksikan ng Bulacan sa mga bagong Bulakenyo.

Ayon nga sa aklat ni Dr. Jamie B. Veneracion ng Bulakan ng mga bayani: Mga Sanaysay Tungkol sa Rebolusyon ng 1896 at Digmaang Pilipino-Amerikano ng 1899 na inilathala ng Bahay-saliksikan noong 2007: “…Ganyan din marahil ang pwede nating sabihin sa kaso ng Bulacan; Sa retorika ng mga publisista at pulitika, walang gatol ang pagmamalaking lalawigan ang Bulacan ng mga ‘magigiting na bayani at naggagandahang mga dilag;’ Ngunit tungkol sa mga kabayanihan, wala tayong katiyakan kung sa bawat isang natukoy nating bayani ay hindi katapat naman noon ang sampung suwail at walang saysay na lipunan. . . " Nakakalungkot man, subalit ito’y totoo.

Paliwanag naman ng dating Direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Reynaldo S. Naguit kung bakit ito nagaganap ay dahil may problema mismo ang lipunan. Problema na maiuugat “mismo” sa kawalan ng kamalayan at pansin sa sariling kasaysayan at kalinangan ng mga Bulakenyo, at ito ay ipinaliwanag niya sa kanyang isinusulong na pananaw na Kamalayang Bayan.

May kamalayan sa sariling lugar ang mga Bulakenyo subalit kulang, ayon kay Prop. Naguit. Ito’y sapagkat iniisip ng bawat isa sa mga Bulakenyo na wala namang saysay kung malalaman ng iba ang sarili nilang lugar dahil sa nabuong diwa sa kanilang tinatawag na inferiority complex, ayon naman sa kasalukuyang direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Agnes DR Crisostomo, isang dalubhasa sa larangan ng Sikolohiya. Ito ang dahilan kung bakit walang interes at hilig ang marami sa Bulakenyo na ipakilala ang sarili nilang kalinangan at kasaysayan at hinahayaan na lamang nilang itago sa sarili ang mga bagay na mayroon sila. Kaya’t ang nangyayari, hindi lamang sa sarili nilang lugar sila’y walang hilig at interes, maging sa pangkalahatang kasaysayan at kalinangan ay wala din silang interes at hilig. Lahat ng ito ay magreresulta sa sinasabi ni Prop. Naguit na “kawalan ng kamalayan sa sariling lugar.” Halimbawa nito ay kung may magtanong sa isang Bulakenyo kung ano ang Republika ng Cacarong, ilan sa mga Bulakenyo ay hindi ito masagot dahil sa kakulangan ng kamalayan sa sariling lupain.

Lahat na ito ay may dahilan, at ito ay ang katoohanang hindi maramdaman ng mga Bulakenyo ang patunay na sila ay nasa lupain nga ng kasaysayan at kalinangan. Alam nila na kilala sila sa buong mundo, subalit kilala ba nila o alam ba nila kung bakit sila kilala? Ito ang halos naitatanong ngayon ng Bahay-saliksikan sa Bulacan. Marami na sa mga Bulakenyo ang nawawalan ng interes at hilig sa sariling lupain dahil ang mismong iniinugan nilang lipunan ay may problema, lalo na ang kabataan. Bagama’t may ilan pang talagang may hilig at interes sa marami sa mga Bulakenyo at lalong-higit sa mga kabataan, subalit bilang na lamang ang mga ito, kaya’t ito ang nakitang misyon ng kasalukuyang direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Crisostomo, ang tipunin ang mga ito at katawanin ang mas komprehensibo at malawak na Bahay-saliksikan ng Bulacan para sa Lalawigan ng Bulacan.

Subalit papaano mawawakasan, o kung hindi man ay mababawasan, ang problemang ito? Simple lang naman ang sagot. Kumilos ang kinauukulan, lalo na ang pamahalaan, at gumawa ng iba’t ibang paraan kung paano ito mababawasan at paano magigising ang tulog pang damdamin ng mga Bulakenyo. Ayon nga sa kasabihan, “pag gusto, maraming paraan.”


Ang Sagot sa Problema

Yaman din lamang na marami ng paraang sinimulang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang ang kasaysayan, kalinangan. at kapaligiran ng Lalawigan ay maipakilala, ang kailangan na lamang ay kung paano ito mas lalong mailalapit, hindi lamang sa buong bansa, kundi lalong higit “mismong” sa mga Bulakenyo. Nauunawaan ng Bahay-saliksikan ang problema ng Bulacan dahil talagang hawak ng Lalawigan ang halos kasaysayan na ng buong Pilipinas, lalo na sa mga panahong ang Republika ng Malolos ay namamayagpag, gayundin ang halos mga kilalang Pilipino sa kasaysayan at kalinangan ay pawang mga Bulakenyo.

Ayon nga kay Prop. Naguit sa paglalarawan sa napakayamang Aklatang Antonio B. Valeriano ng Bulacan State University, “…hindi ang kakulangan kundi ang kasaganahan ang suliranin…” Ganyang-ganyan ang Bulacan. Sa sobrang sagana ng kasaysayan at kalinangan nito ay isang malaking misyon ito ng Pamahalaang Panlalawigan kung paano ito mapapanatili at maipapakilala ng may pitik sa puso hindi lamang sa mga Pilipino o sa mga dayuhan kundi lalong-higit sa mga katutubong Bulakenyo nito.

Ayon pa kay Prop. Naguit, makatutulong ang makabagong sistema ng pagpapakilala sa mga gawaing pangkasaysayan at pangkalinangan. Ayon sa kanya ay dapat bumabalangkas ng mga Kapasyahan o resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na naglalayon gumawa ng lokal na paggunita ang lahat bayan at lungsod ng Bulacan sa mga makasaysayag paggunita ng lalawigan at ng Pilipinas, gaya ng Araw ng Bulacan (na sinaliksik ng Bahay-saliksikan noong 2005 sa ilalim ng dating Punong-lalawigang Josefina M. dela Cruz), Linggo ng Bulacan, Republika ng Malolos, Konggreso ng Malolos, Araw ng Kalayaan, at ng Araw ng Watawat ng Pilipinas. Ito’y dahil napansin niya, gayundin ng iba, na bakit isinesentro lang sa Malolos, o kung hindi man ay sa mga piling lugar lamang, ang panggunita ng mga ito sa Bulacan. Posibleng ito nama’y kontrahin ng Pamahalaang Panlalawigan dahil may mga kautusan nga naman itong ipinakakalat na isagawa o gumawa ng mga paggunita ang iba’t ibang pamahalaang bayan at lungsod ng Bulacan.

Oo nga’t `di nagkulang ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapatupad. Subalit ang malawakan at mahigpitang pagpapatupad at pagmamatyag ang maramil siyang kulang na lang para maging matagumpay ang ating mapgpursigi at ulirang Pamahalaang Panlalawigan. May mga bayang nawawalan ng inisyatibo para ito’y isagawa dahil kulang ang mahigpit at bangis ng pag-uutos ng nakatataas. At para sa Sangguniang Panlalawigan, ang mungkahi ng Bahay-saliksikan, ay ito dapat ang isa sa kailangang simulang tutukan ng ating mga Bokal.

Ayon pa kay Prop. Naguit, nariyan ang mga tarpaulin, posters, banners, at streamers para ipaalala sa bawat mamamayan ng mga bayan at lungsod na “…Aba, ngayon pala’y ganito ganyan, ganere...” Sa pamamagitan nito ay makatutulong ang Pamahalaan para maipakilala sa lahat ang mga petsang may tinta sa kalendaryo ng kasaysayan at kalinangan ng Lalawigan at ng Bansa. Iyon nga lang ay kailangang “iwasan” ng mga pinunong-bayan (pulitiko) na ikabit ang mga larawan nila o ang napakalaking pangalan nila na halos kainin na ang espasyo ng mga tarpaulin. Ito’y dahil makapadagdag pa ito sa agam-agam ng mga Bulakenyo na “pinulitika” na naman ang mga makasaysayang mensahe ng araw o petsa at maski sa magising ang kamalayang bayan ng mga Bulakenyo ay kondenahin o katamaran pa ang mga ito ng mga taumbayan. Sa madaling-sabi, ang Bahay-saliksikan ay nagsasabi ng buong pagkukumbaba at galang sa mga kinauukulan na “huwag ng haluan pa ng pulitika ang kanilang mga mensahe, lalo pa’t kung ito ay makasaysayan at makakalinangan na patungkol sa Bulacan o sa Pilipinas.” Maaari namang sabihin sa mga tarpaulin na “…Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagdiriang ng Lalawigan/ ng bansa sa ganito, ganire…” At muli, mungkahi ng Bahay-saliksikan sa ating mahal na Sangguniang Panlalawigan na kailangan ding gumawa ng mga resolusyon upang mahigpit na ipag-utos, o hanggat maaari ay limitahan (o kung maaari lamang ay ipagbawal na) ang pagkakabit ng mga mukha ng mga pulitiko sa mga tarpaulin o streamers at iba pang mapulitikang anunsyo na dapat nakapangalan sa mga taumbayan. Isa pang halimbawa ay ang ganito: Ang Taumbayan ng Malolos ay nakikiisa sa ganito, ganire; ang Pamahlaang-bayan ng Doña Remedios Trinidad ay binabati ang ganito, ganiyan…

Mungkahi naman ng espesyalista at instruktor sa dagitaban o computer technology ng Bulacan State University at katulong na manunulat ng Bahay-saliksikan na si G. Jason Villafuetre, napakalaki ng maitutulong ng ICT sa pagpapakilala ng Lalawigan sa natatangi nitong Kasaysayan at kalinangan kung ito lamang ay papansinin, unang-una ng Bulacan State University. Pagdating sa Pamahalaang Panlalawigan, ito’y nagawa na ng Information Technology Department ng Kapitolyo sa laging nagkakamit ng mga prangal taun-taon na bahay-dagitab o website ng Lalawigan na www.bulacan.gov.ph. Walang-duda, at maging ang Bahay-saliksikan ay saludo dahil sa tunay ngang ramdam ng mga Bulakenyo ang pagmamalaki na sila’y malapit sa Lalawigan ng Bulacan sa tuwing bubuksan ang bahay-dagitab na ito ng Pamahalaang Panlalawigan sa internet. Ang mungkahi na lamang ng Bahay-saliksikan ay ang pagpapalawak ng mga kaalamang nakakabit o uploaded na sa internet, at ito ngayon ang sinusubukang tahakin ng Bahay-saliksikan. Kabilang pa rito, ayon ka’y G. Villafuerte, ang mga telebisyon, radio, at mga print adds sa mga pahayagan, at ito nama’y kitang-kita sa mga patalastas ng ABS-CBN 2 at mga palatuntunan ng GMA 7.
Dagdag pa rito ay kailangang suportahan ng Pamahalaang Panlalawigan at Sangguniang Panlalawigan ang ang paggunita at pagdiriwang ng iba’t ibang makasaysayan at kultural na pagdiriwang ng Bulacan at ng Pilipinas. Ito’y upang lalong ipakilala sa buong bansa na tayo, bilang lalawigan ng kasaysayan at kalinangan, ay patuloy na ipinapakilala ang pagkilalang ito sa atin. At higit sa lahat, kailangang ilapit sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Bulacan ang mga paggunita at pagdiriwang na ito, at iwasang isentro lamang sa Malolos o kung saan man ang nasabing mga pagdiriwang. Ito ay naisip ni G. Alex L. Balagtas, shrine curator II ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan sa Makasaysayang Dambana ng Marcelo H. Del Pilar. Kailangan ay taun-taong may magho-host ng mga paggunita upang mailapit sa mga Bulakenyo sa labas ng Malolos ang paggunita, lalo na ang Singkaban Festival, at ang tawag niya rito ay rotation of hosting.

Ang lahat ng ito ay nagawang ipagsama-sama ng Bahay-saliksikan sa natatanging paggunita ng Bulacan sa Pambansang Araw ng Watawat ng Pilipinas tuwing Mayo 28. Ito’y alinsunod sa pagsang-ayon ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulakan, Inc.

1 comment:

Nel Cruz said...

Magandang araw po, nais ko lamang pong itanong kung kailan talaga nagsimula ang Balagtas o Bigaa noon, lagi pong sinasabi sa maraming tala na 1596 naging bayan ang Bigaa o Caruyan noong una pa, ngunit sa akin pong paghahanap ay nalaman ko na nagsimula ang Caruyan (Bigaa, Balagtas) noon pang 1572 at halos kasunuran lamang ng Malolos, at ito ay sa pagkakadiskubre pa ni Adelantado Miguel Lopez de Legaspi. Sana po ay maiayos na mabuti ang lugar ng Balagtas sa kasaysayan dahil sa mga nakalap kong tala ay higit pa itong naunang natuklasan ni Legaspi kaysa sa Bulakan na si Gob. Guido Labesarez na ang nagtalaga makaraang mamatay si Legaspi. Maituturo ko po sa inyo kung saan ko nahagilap ang napakalinaw na datos ukol sa pagkakatalaga sa Caruyan kung inyong kakailanganin. Salamat po.