Mabuhay!

Ito ang Bahay-saliksikan ng Bulacan (Center for Bulacan Studies). Sentro para sa pananaliksik at programa ng Bulacan State University ukol sa kalinangan, kasaysayan, at iba pang larangan ng pag-aaral ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan at pagkamit ng mahigpit na bigkis-panlipunan at kaunalaran ng pamayanan.

Sapagkat ika'y Bulakenyo, PILIPINO!

Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
Ito ay dinisenyo ng dating direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Reynaldo S. Naguit noong 2003 na pinagtibay ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan

Tungkol sa Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

A

ng luntiang kawayan (na nakapabilog) ay sumasagisag sa pangunahing sagisag ng Bulacan, ang kawayan, na isang pangkalahatang sagisag na makikita sa mga sagisag-pambayan ng mga bayan at lungsod sa Bulacan. Gayundin ito’y sumasagisag bilang kinatawan ng lahat ng halaman sapagkat kinilala ang Lalawigan ng Bulacan mula pa noong panahon ng mga Kastila at mga Amerikano bilang “Hardin ng Pilipinas.” At ito rin ay sumasagisag maging sa kawayang bansot o bukawe na sumasagisag sa katapangan ng mga Bulakenyo, at gayundin ng katutubong sandata ng mga unang mamamayan ng Bulacan, ang mga Dumagat. Ang baybayin na ba, sa, at ba ay sumasagisag sa inisyal na titik ng “Bahay-saliksikan ng Bulacan” sa lumang ortograpiyang Filipino. Ang 1998 naman ay kumakatawan sa taon kung kailan naisilang ang BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan. Ang rayos (gear) ay sumasagisag sa istandard na sagisag ng Bulacan State University bilang institusyong kumakalinga sa Bahay-saliksikan ng Bulacan. Ang apoy ay sumasagisag sa adhikain ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na maging tanglaw sa mga Bulakenyo hinggil sa pagpapalaganap ng kaalamang bayan ng buong Bulacan hinggil sa sining, kalinangan, at kasaysayan. Ang dalisdis ng bundok ay sumasagisag sa kalibutan ng Mahabi-habi Pagotan ng mga Dumagat o ang Sierra Madre, at maging ang Biak-na-Bato, San Miguel, Bulacan. At ang Simbahan ng Barasoain ay kumakatawan sa pinakakilalang bagay na sumasagisag sa Bulacan lalo na sa kasaysayan.

Ang unang sagisag nito noong 1998 ay isang kalabaw na may mga banderitas sa sungay kung saan ito ang siya ring opsiyal na sagisag ng Singkaban Festival o Linggo ng Bulacan na nilikha ni Dir. Armand Sta. Ana ng Provincial Youth, Sports, Entrepreneurship, Culture and the Arts ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PYSEACO). Subalit noong 2004 ito’y binago at ginawan ng sariling sagisag at disenyo ni Prop. Ray Naguit kung saan ito na ngayon ang opisyal na ginagamit ng Bahay-saliksikan.

Tungkol sa Bahay-saliksikan ng Bulacan

My Photo
Lungsod ng Malolos, Lalawigan ng Bulacan, Philippines
Sa pakikiisa ng Bulacan State University at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulakan,Inc., itinatag noong 1998 ang isang bahay-saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ito ay nasimulang imungkahi ni Dr. Jaime B. Veneracion ng Unibersidad ng Pilipinas at noo'y pangulo ng SAMPAKA, Inc. na isang Bulakenyo noong 1997 sa dating pangulo ng BulSU na si Dr. Rosario Pimentel. Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay-saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay -saliksikan ng Bulacan upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito.

Kasaysayan ng Bahay-saliksikan ng Bulacan


Sa pakikiisa ng Bulacan State University (BulSU) at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, Inc. (SAMPAKA), itinatag noong 1998 ang isang bahay saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ang unang proyekto nitong isinagawa (kasama ang SAMPAKA, Inc.) ay ang pagsasagawa ng International Conference on Malolos Congress noong 1998 sa Bulwagang Valencia sa BulSU, Lungsod ng Malolos, Bulacan.


Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay Saliksikan ng Bulacan (BSB) upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito. Pinangunahan itonoon ng direktor ng Bahay Saliksikan (na propesor at kasalukuyang dekano ng BulSU-Instituto ng Agham Panlipunan at Pilosopiya) na si Reynaldo S. Naguit at ginamit ang pambansang wika ng Pilipinas sa loob ng Bahay Saliksikan, ang Filipino (kung saan ang katagang “Bahay Saliksikan” ay naunang ginamit ng Bahay Saliksikan ng Kasaysayan o BAKAS, isang samahang pangkasaysayan ng mga mananalaysay ng bansa). Magkagayunpaman, ang CBS ay nanatiling pangalan na katumbas ng BSB sa Ingles (e.g.: Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies, DLSU-Dasmariñas Cavite Studies Center, Tarlac State University – Center for Tarlaqueño Studies, at iba pa)

Mula 1998, mayroon ng dalawang naupong direktor ang Bahay Saliksikan: sina Prop. Jaime Corpuz (1998-2002) at Prop. Ray Naguit (2002-2007). At sa kasalukuyan, si Prop. Agnes Crisostomo ang siyang direktor ng Bahay Saliksikan mula 2007 hanggang 2010.

Dati itong naghihimpil sa kasalukuyang BulSU-Alumni Association nang mahigit sa isang semestre noong 1998 at nailipat ng lumaon sa BulSU Annex (na tinatawag ding BulSU Spratly Bldg.) hanggang 2002. At nang maupo si Dir. Naguit na direktor ay kanyang pinag-isa ang opisina nito at ang BulSU – Aklatang Antonio B. Valeriano na nasa Bulwagang Roxas (gusali ng karunungan ng Kolehiyo ng Edukasyon) upang mabantayan ang unti-unting pagkawala ng mga koleksyon ng isa sa mga dakilang lokal na mananalaysay ng Bulacan na si Antonio “Ka Tunying” Valeriano. Nakatulong ito ng malaki sa pananaliksikang Bulakenyo sapagkat mayorya sa mga koleksyon ni Ka Tunying ay tungkol sa Bulakanyana.

Sa kasalukuyan, isa ang BulSU – Bahay Saliksikan ng Bulacan sa mga unang center studies ng mga lalawigan, pangkat kultural at kasaysayan ng bansa. Gayundin ay isa ito sa kinikilalang matagumpay na research center ng bansa dahil sa pagpapatuloy nito sa pagpapakilala ng kalinangan at kasaysayan ng makasaysayang Lalawigan ng Bulacan, at higit sa lahat ay kinilala rin ito ng Surian sa Wikang Filipino bilang institusyong nagtataguyod ng wikang Filipino sa Bulacan at sa buong bansa.

Misyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

L

inangin ang diwang makabayan ng mga Bulakenyo sa pamamagitan ng paglalathala ng mga aklat, research, monograph, at balitaan tungkol sa kultura at kasaysayan ng Bulakan at pagtitipon ng mga tala o datos na magagamit ng sinumang mananaliksik tungkol sa Bulakan na magiging batayan ng mga pampublikong patakaran. Maingatan sa isang lagakan (arkibo at museo) sa hinaharap, ang mga artifacts at lumang dokumento ng Bulacan at magiging tagapagsanay sa mga pormal na kurso sa B.S. Kasaysayang Lokal at tagapag-unay sa mga katulad na institusyon/ ahensya na nagtataguyod ng pag-aaral tungkol sa Bulacan at Kasaysayang Bayan.

Bisyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

I

sang mabisang sentrong panasaliksikan na lumilinang sa kaisipang panlugar (sense of place) at diwang makabayan (nationalism) ng mga Bulakenyo, humhubog sa kamalayan sa kanilang pamanang kultura tungo sa makabuluhang pakikilahok sa mga gampanin sa pamayanan, at may kagalingang nakapagsasagawa ng mga gawaing pangkaalaman (scholarly pursuits) na nagpapahayag ng ambag ng pamantasan sa pagpapaunlad ng mga pamayanan at bansa.

Layunin ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

*

A

ng Bahay Saliksikan ng Bulacan ay sentro para sa pananaliksik. Ito’y programa ng Bulacan State University bilang ambag nito sa paglinang ng kaalaman at paspapanatili ng sarili nitong sining, kalinangan, kasaysayan at iba pang larangan na patungkol sa pag-aaral ng kabuuan ng Bulacan bilang lalawigan. Naglalayong ito na pagyamanin ang bigkis-panlipunan at makaambag sa pag-unlad ng pamayanan tungo sa pambansang pagkakakilanlan.

Ang mga Gawain nito ay nahahati sa limang pangkat gawain:

Limang Pangkat-Gawain

* Pananaliksik (Research) na nakatuon sa pagtataguyod ng pamanang pangkalinangan o cultural ng Bulacan at pagbubuo ng mga datos na maaring batayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies)

* Edukasyon at Pamamahagi ng mga kasalukuyang diskurso sa agham panlipunan tungo sa pagbibigay- saligan ng mga kontemporaryong pananaw at kagawian

* Paglalathala (Publication) ng mga bunga ng pagsasaliksik sa anumang larangan ng panlipunang proseso at institusyon, kasaysayan, sining, at kalinangang Bulakenyo

* Pagtataguyod (Advocacy) ng sariling kalinangan bilang pagtuon sa anumang programang pangkaunlaran

* Pakikipag-ugnay (Linkages) at Kolaborasyon sa ibang mga institusyon, kagawaran, at samahan upang mapag-isa ang mga gawaing nagtataguyod ng sining, kalinangan, at kasaysayan tungo sa pambansang kaunlaran at pagkakakilanlan

Sa makatuwid, ito ay naglalayong:

* Magbigay-daan sa mga guro ng pamantasan at mga iskolar na Bulakenyo para sa kanilang pagkabantad sa mga kasalukuyang usapin at talakayan sa agham panlipunan na may kinalaman sa Bulacan. Gayundin ay magbukas ng pagkakataon para sa pagpapalawig ng mga gawaing pangkaalaman sa pamamagitan ng pananaliksik, paglalathala, at bilang tagapagsalita sa mga panayam at komperesiya.

* Maglathala ng mga aklat, sinaliksik, monograph, at talastasan tungkol sa sining, kalinangan, kasaysayan, at mga pamayanan ng Bulacan.

* Makipag-ugnay sa mga sangay ng Kagawaran ng Edukasyon sa pagpapaunlad ng nilalaman ukol sa kalinangan (kultura) ng kurikulum para sa mataas na edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay pagsasanay sa pagtuturo ng sining, kalinangan, at kasaysayang lokal at pambansa.

* Gumawa ng mga modyul sa pagtuturo at manwal para sa mga guro para sa kasaysayang lokal ng Bulacan.

* Magsagawa ng mga talakayan (round table discussions), mga panayam, at mga komperensya ukol sa sining, kalinangan, kasaysayan, sosyo-ekonomiko, at pampulitikang usapin ng Bulakan.

* Magtipon ng batayang datos (baseline data) at komprehensibong impormasyon ukol sa Bulacan na magagamit ng sinumang mananaliksik at mapagbabatayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies).

* Maitatag ang matibay na ugnayan sa ibang mga institusyon, samahan, at ahensya ng pamahalaan na nakatuon sa pag-aaral ng sining, kalinangan, kasaysayang lokal, at kasaysayang bayan.

* Paunlarin ang malayang daloy at palitan ng impormasyon at pananaliksik tungkol sa kasaysayang lokal sining, at kalinangan sa antas-lokal at pambansa.

* Kilalanin ang gampanin ng mga katutubong tao sa Bulacan sa pagpapaunlad ng kalinangan ng lalawigan.

* Magsulong ng mga programa upang pangalagaan ang mga nasasalat at `di-nasasalat na sining at pamanang pangkalinangan ng Bulacan.

* Mangalaga ng museong magtatanghal at mag-iingat ng mga memorabilia ng pamantasan, at gayundin ng mga artifacts, mga makasaysayang kagamitan, mga larawang pangkasaysayan, at iba pang mga bagay na nagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Bulacan.

* Magbukas, sa ilalim ng Instituto ng mga Agham Panlipunan at Pilosopiya, ng pormal na kurso na B.S. Local History at Philippine Studies.

Friday, April 11, 2008

UNA BULAQUEÑA: MGA KABABAIHANG BULAKENYA SA KASAYSAYAN

ni Ian Christopher B. Alfonso

Lokal na Mananaliksik,

BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan

Una Bulaqueña. Literal na nangangahulugang “isang Bulakenya” na pininta ng dakilang Pilipinong pintor na si Juan Luna noong 1890’s. Ito ngayo’y nakasabit sa dingding ng silid ng Musika ng Palasyo ng Malacañang. Nagpapakita ito ng kagandahan ng isang Bulakenya na naka baro’t saya taglay ang kilos ng isang dalagang Pilipina. Patunay lamang ito ng dakilang pagkilala ng bansa sa taglay na yumi’t ganda ng mga Bulakenya bilang sagisag ng isang tunay na Pilipina.

Sa kasaysayan, isa ang mga Bulakenya sa unang nagtaas ng pangalan ng mga kababaihan sa lipunang Pilipino. Pinatunayan nila na ang mga kababaihan ay may puwang din sa lipunan kung saan ang mga kalalakihan ang namamayagpag. At higit sa lahat, pinatunayan nila ang pagkakapantay-pantay ng mga babae at lalaki sa lipunan.

Iginagalang ng mga Pilipino ang mga kababaihan. Wala pa man ang mga Kastila ay tunay na ang pagkilala ng lipunan sa mga babae. `Di tulad ng ibang mga lahi sa daigdig na ang tingin nila sa mga babae ay mababa, busabos, alipin, kinakalakal, at pampalipas-oras.

Sa Tsina na lamang noong una ay napakababa ng pagtingin nila sa mga babae. Ikinukulong ang mga ito sa bahay at bawal silang lumabas. Nilalagyan sila ng malalaking pabigat sa paa upang sila’y `di makagalaw. Naiinis din ang mga kalalakihan kapag ang kanilang asawa ay `di makapagbigay ng lalaking supling, at kapag babae ang isinilang, malagim na kapalaran ang kanilang haharapin sa daigdig. At ang masaklap pa rito ay ibinebenta sila dahil tila ito na lamang ang pakinabang nila sa mga babae.

Napakapalad ng mga Pilipino. Tila niloob ng Panginoon na ating igalang ang mga kababaihan. Bagama’t sila’y gumagawa ng gawaing-bahay lamang, malaki pa rin ang pag-aalala ng mga kalalakihan sa kanila. Hindi sila pinagtatrabaho ng mga gawaing panlalaki sapagkat kanilang inuunawa ang kalagayan ng mga kababaihan. Kaya’t naging kultura na ito ng mga Pilipino noon at magpahanggang-ngayon na tinatawag na pagkamaginoo.

Mahalaga din ang tungkulin ng babae sa sinaunang lipunang Pilipino. Sila ang nagsisilbing puso ng mga kalalakihan sapagkat pahirapan ang panunuyo sa mga ito. Bawal hawakan ni-katiting na bahagi ng kanilang damit, bawal makita ang sakong, bawal magtinginan at magdikit, at marami pang ibang bawal at konserbatibasyon sa mga Pilipina. Kaya’t noon pa man ay isang napakalaking kaloob na ng Panginoon ang makapangasawa ang mga kalalakihan noon sa likod ng maraming hirap sa buhay, makuha lamang ang kamay ng babaeng nililiyag.

Bukod dito sila’y nagsilbing instrumento para sa mga yumao nilang mga ninuno. Sila ang nagsisilbing mga babaylan, catalonan, baylan, at iba pang tawag dito, kung saan sa kanluran ay pahirapan pa ang pagiging alagad ng simbahan ng mga kababaihan. Tagapayo din ng mga pinunong bayan ang mga babaylan tuwing panahon ng digmaang bayan at sila ang nagbabasbas sa mga bayani o mandirigma ng bayan bago sila sumabak sa laban. Patunay lamang ito na buong-buo sa puso ng mga Pilipina ang pagiging ina `di lamang ng kanyang mga sariling anak kundi ng mga anak ng bayan, ang mga taumbayan.

Buhay ang diwang ito sa mga Bulakenyo. Duyan ng kasaysayan at kalinangan ang Lalawigan ng Bulacan, at dahil dito nanalaytay sa dugo ng sinuman ang damdaming bayani o mandirigma. Ang ganda, tatag, talino, busilak na pagmamahal, yumi, makapanginoon, at pagmamahal sa bayan ay tunay na nakatimo na sa puso’t diwa ng mga Bulakenya.

Hindi aksidente sa kasaysayan ang pagkakasulat ng mga kababaihan, lalo na ng mga Bulakenya sa kasaysayan. Ito’y sapagkat buhay ang diwang bayan ng mga Bulakenya noon at magpahanggang-ngayon, at dito napabantog ang Bulacan. Ayon nga kay Dr. Jaime Veneracion “…tuloy po kayo sa lalawigan ng mga bayani at naggagandahang mga dilag…

Sinong `di makakalimot sa tanyag na dalagang Calumpiteña na si Leoña Josefa Roxas y Manio na kinikilala sa kasaysayan bilang si “Pepita Roxas” na nagpaibig sa noo’y bumisitang hari ng Cambodia sa Pilipinas na si Haring Norodom I noong 1872. Pinakita ni Pepita Roxas ang talino, pagkamagalang at yumi ng isang Pilipina nang kanyang tinanggihan ang Hari na siya’y maging reyna ng Cambodia. Idagdag pa rito ang sinabi ng propesor ng Ateneo de Manila University na si Luis Camara-Dery na bukod kay Leonor Rivera ay isa pang naging inspirasyon ni Dr. Rizal kay Maria Clara ay si Pepita Roxas. Idagdag pa natin ang pinipinta’t sinisintang dalaga ng Baliuag, Bulacan na si Pepita Tiongson y Lara na mas kilala bilang si “Pepita Tiongson.” Siya ang naging inspirasyon ng mga Rebolusyonaryo noong 1896 sa pinakasikat na kundimang Pilipino noon na pinamagatang “Jocelynang Baliuag” o “Kundiman ng Rebolusyon.” Dito pinatunayan din ni Pepita Tiongson ang yumi’t ganda ng isang Bulakenya.

Isama pa natin ang makasaysayang trahedya na binuhay sa dakilang nobelang Pilipino na Noli Me Tangere na si Sisa at ang mga anak nito na sina Crispin at Basilio. Ang mag-inang ito na lumitaw sa Noli ay orihinal na walang pangalan at nang mabasa ito ng Bulakenyong si Marcelo H. del Pilar ay naalala niya ang magkamukhang kapalaran at kalagayan ng mag-inang Sisa ng Hagonoy, Bulacan kaya’t iminungkahi niya kay Dr. Rizal na pangalanan ang mag-ina na “Sisa, Crispin at Basilio”. Ayon kay Prop. Rolando Gaspar ng Bulacan State University, simbolo si Sisa ng Inang Bayan na nabaliw dala ng pag-iisip sa kanyang mga anak. Ngunit ang problema ay ito: hindi malaman kung tagasaan nga sa Bulacan ang mag-inang Sisa. Ayon kay Prop. Reynaldo Naguit ng Bulacan State University, may ilang nagsasabing sila’y taga-San Rafael, San Ildefonso, at San Miguel sa Bulacan.

Isali pa natin dito ang dakilang nagawa ni Henerala Trinidad Tecson ng San Miguel, Bulacan na kilala bilang dakilang “Ina ng Biak-na-Bato” noong 1896. Ang magkapatid na Talangpaz ng Calumpit na mula sa dakilang relihiyosong Kapampangan ng Macabebe, Pampanga na sina Blessed (Bl.) Dionisia Mitas Talangpaz de Santa Maria at Bl. Cecilia Rossa Talangpaz de Jesus. Sila ang nagtatag ng Congregation of the Augustinian Recollects Sisters, ang kinikilalang pinakamatandang non-contemplative religious community for women in Augustinian Recollects sa daigdig, at ngayon ay nasa linya na ng kanonisasyon sa Vatican at pag naglaon ay sila na ang unang Bulakenyong santo, gayundin ng mga Kapampangan. Sino din ang `di makakalimot sa dakilang mang-aawit ng Kundiman na si Honorata “Atang” dela Rama at ang kauna-unahang Pilipinong nagmalasakit na tipunin ang iba’t ibang katutubong sayaw, laro, at awit ng bansa na si Francisca “Lola Kikay” Reyes-Aquino. Maging ang unang pangulong babae ng Pilipinas at sa buong Asya-Pasipiko na si Gng. Corazon Cojuangco-Aquino na ang pinagmulang lahi ay mga katutubo ng lungsod ng Malolos. Isa pa, ang mag-kapatid na sina Urbana at Felisa na binuhay ni Padre Modesto de Castro sa kanyang 34-na-liham sa anyong aklat na Urbana at Felisa kung saan ipinapakita ang kagandahang asal na taglay ng isang Pilipina, at ito’y binuhay sa katauhan ng mga Bulakenya sapagkat sila’y naisulat na tubong Paombong, Bulacan.

Ilan pa rito ay sina Maria “Iyang” Rodrigo (ang sinasabing babae sa likod ng Una Bulaqueña), Doña Rosario Viscarra (Tandang Sora ng Baliuag noong panahon ng mga Hapon), Pura Santillan Castrence (unang babaeng diplomat), Carmen Camacho de Romillos (direktor), Carmen de Luna (nagtatag ng Centro Escolar University), Rosa Sevilla Alvero (nagtatag ng Instituto de Mujeres), Dr. Belen Gutierrez (naging pangulo ng Philippine Women’s University), Dalisay Aldaba (kilalang pilantropo at tauhan ng mga opera), Kathy dela Cruz (reyna ng jazz at reyna ng tanghalang Pilipino napatanyag bilang bahagi ng Sampaguita Pictures), Concepcion Felix de Calderon (nagtatag ng kauna-unahang samahan ng mga kababaihan sa Pilipinas, Asosacion Feminista de Filipinas), Soledad Airan (tagapagtatag ng Bulacan Women’s Club), Dolores Ablaza (tagapagtatag ng Bulacan Ladies’ Association), Trinidad Legaspi Tarrosa Subido (kinikilalang “Elizabeth Browning” ng Pilipinas), Lydia de Vega (pinakamabilis na babae sa Asya), Victoria Santiago vda. de Tengco (nagpakilala ng Baliuag Transit), Dolores Maniquis (nagpasimula ng industriya ng sambalilong buntal sa Baliuag), Anita Guidote Guanzon (nagpatayo ng Mahal na Groto ng Lourdes sa Lungsod ng San Jose del Monte), Melanie “Kyla” Calumpad (RnB princess na pinuri ng mga Pilipino dahil sa kanyang itinama ang pag-aawit ng Lupang Hinirang), Regine Velasquez (kilalang mang-aawit), Roxanne Barcelo (kilalang mang-aawit), Jewel Mische (kilalang artista), Jolina Magdangal (kilalang mang-aawit), Isay Alvarez (Miss Saigon ng Bulacan), at marami pang iba.

Maari din nating ibahagi ang katotohanang Bulakenyo ang unang nag-isip ng konseptong “Inang Bayan.” Ito ay si Francisco Balagtas kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay tinawag ng isang Pilipino na “Ina” ang bansang Pilipinas. Lumitaw ito sa kanyang dakilang awit na Florante at Laura, at mula noon ay kumalat na ang katawagang “Inang Bayan.” Ginamit ito ni Andres Bonifacio bilang pantawag at inspirasyon ng lahat kung saan ay ibibigay ng mga “Anak ng Bayan” ang lahat para sa kalayaan ng “Inang Bayan.” Naging simbolo din ito ng tula ni Jose Corazon de Jesus na “Bayan Ko” ng Sta. Maria, Bulacan na umakit sa mga dayuhan dahil sa “yumi’t ganda” nito at nang huli’y “binihag at nasadlak sa dusa.” Patunay lamang nito na ang mga Bulakenyo ay tunay at busilak ang pagkilala sa mga kababaihan.

Marahil, sampu nang `di pa nababanggit na iba pang mga dakilang Bulakenya, ay pinakadakila’t pinakatanyag na sa lahat ang kadakilaan ng 21 Kababaihan ng Malolos. Pinatunayan nila na ang edukasyonay `di lamang para sa mga kalalakihan, may kaya’t mga Kastila kundi para rin sa mga kababaihan. Gayundin ay pinakita nila ang pagiging dugong bayani ng mga Bulakenya dahil sa pagharap nila sa mga frailes at mga opisyal na Kastila sa ngalan ng pagkilala sa mga kababaihan sa lipunan at pagkakaroon nila ng karapatan sa edukasyon. Naging aktibo rin sila sa Rebolusyon sa pamamagitan ng paglahok nila sa Cruz Roja o Red Cross na gumamot sa mga sugatang rebolusyunaryo, at naging alagad rin sila ng lipunan tungo sa kaliwanagan at katwiran sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga usaping panlipunan at pampulitika.

Marami pang mga Bulakenya ang `di pa na sasaliksik hinggil sa nagawa nilang pangalan sa kasaysayan. Marami pa ang `di nababanggit dito sapagkat lubhang napakarami nila kung ihahanay pa ang mga ito ng isa-isa. Ito’y patunay lamang na ang Bulacan ay lundayan `di lamang ng kasaysayan, ng kalinangan, ng mga bayani, ng mga makata, ng mga makabayan, at marami pang iba, kundi lundayan ng mga “Unang Bulakenya” sa kasaysayan at lipunan."

__________________________________

…Ang babae, kung saan ang kanyang sinapupunan ay ang unang tahanan ng sangkatauhan, ay kailangang igalang sa munting institusyong tinatawag na pamilya; kung saan siya ang nakabantay dito sa maraming kadahilanan — ang pagiging isa ng pamilya, pananggalang sa panganib, at iba pang anyo ng kaayusan, at paglumaon ay magiging isang pamayanan at siya’y magiging isang ganap na panahanan…

Quoted from Sen. Manuel B. Villar’s Bill

And attributed to former senator Helena Z. Benitez

by Rina Jimenez – David

The Philippine Daily Inquirer

Tuesday, November 13, 2007, A11

Translated by I. C. B. Alfonso


Para sa Ika-119 na Guning-taon ng Pagsulat ng Dakilang 21 mga Dalaga ng Malolos, Bulacan kay Gov. Hen. Valeriano Weyler

Disyembre 12, 1888 – Disyembre 12, 2007

1 comment:

Anonymous said...

Paunawa po, hindi pa po BLESSED ang magkapatid na Talangpaz. Ni hindi pa nga po sila VENERABLE. Servant of God pa lang po sila. Nakakalungkot na sinasabi nyo na itong organisasyon nyo ay para sa pananaliksik ng kasaysayan ngunit di nyo man lang makuhang maisaliksik ng tama ang magkapatid na talangpaz.