Mabuhay!

Ito ang Bahay-saliksikan ng Bulacan (Center for Bulacan Studies). Sentro para sa pananaliksik at programa ng Bulacan State University ukol sa kalinangan, kasaysayan, at iba pang larangan ng pag-aaral ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan at pagkamit ng mahigpit na bigkis-panlipunan at kaunalaran ng pamayanan.

Sapagkat ika'y Bulakenyo, PILIPINO!

Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
Ito ay dinisenyo ng dating direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Reynaldo S. Naguit noong 2003 na pinagtibay ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan

Tungkol sa Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

A

ng luntiang kawayan (na nakapabilog) ay sumasagisag sa pangunahing sagisag ng Bulacan, ang kawayan, na isang pangkalahatang sagisag na makikita sa mga sagisag-pambayan ng mga bayan at lungsod sa Bulacan. Gayundin ito’y sumasagisag bilang kinatawan ng lahat ng halaman sapagkat kinilala ang Lalawigan ng Bulacan mula pa noong panahon ng mga Kastila at mga Amerikano bilang “Hardin ng Pilipinas.” At ito rin ay sumasagisag maging sa kawayang bansot o bukawe na sumasagisag sa katapangan ng mga Bulakenyo, at gayundin ng katutubong sandata ng mga unang mamamayan ng Bulacan, ang mga Dumagat. Ang baybayin na ba, sa, at ba ay sumasagisag sa inisyal na titik ng “Bahay-saliksikan ng Bulacan” sa lumang ortograpiyang Filipino. Ang 1998 naman ay kumakatawan sa taon kung kailan naisilang ang BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan. Ang rayos (gear) ay sumasagisag sa istandard na sagisag ng Bulacan State University bilang institusyong kumakalinga sa Bahay-saliksikan ng Bulacan. Ang apoy ay sumasagisag sa adhikain ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na maging tanglaw sa mga Bulakenyo hinggil sa pagpapalaganap ng kaalamang bayan ng buong Bulacan hinggil sa sining, kalinangan, at kasaysayan. Ang dalisdis ng bundok ay sumasagisag sa kalibutan ng Mahabi-habi Pagotan ng mga Dumagat o ang Sierra Madre, at maging ang Biak-na-Bato, San Miguel, Bulacan. At ang Simbahan ng Barasoain ay kumakatawan sa pinakakilalang bagay na sumasagisag sa Bulacan lalo na sa kasaysayan.

Ang unang sagisag nito noong 1998 ay isang kalabaw na may mga banderitas sa sungay kung saan ito ang siya ring opsiyal na sagisag ng Singkaban Festival o Linggo ng Bulacan na nilikha ni Dir. Armand Sta. Ana ng Provincial Youth, Sports, Entrepreneurship, Culture and the Arts ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PYSEACO). Subalit noong 2004 ito’y binago at ginawan ng sariling sagisag at disenyo ni Prop. Ray Naguit kung saan ito na ngayon ang opisyal na ginagamit ng Bahay-saliksikan.

Tungkol sa Bahay-saliksikan ng Bulacan

My photo
Lungsod ng Malolos, Lalawigan ng Bulacan, Philippines
Sa pakikiisa ng Bulacan State University at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulakan,Inc., itinatag noong 1998 ang isang bahay-saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ito ay nasimulang imungkahi ni Dr. Jaime B. Veneracion ng Unibersidad ng Pilipinas at noo'y pangulo ng SAMPAKA, Inc. na isang Bulakenyo noong 1997 sa dating pangulo ng BulSU na si Dr. Rosario Pimentel. Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay-saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay -saliksikan ng Bulacan upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito.

Kasaysayan ng Bahay-saliksikan ng Bulacan


Sa pakikiisa ng Bulacan State University (BulSU) at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, Inc. (SAMPAKA), itinatag noong 1998 ang isang bahay saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ang unang proyekto nitong isinagawa (kasama ang SAMPAKA, Inc.) ay ang pagsasagawa ng International Conference on Malolos Congress noong 1998 sa Bulwagang Valencia sa BulSU, Lungsod ng Malolos, Bulacan.


Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay Saliksikan ng Bulacan (BSB) upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito. Pinangunahan itonoon ng direktor ng Bahay Saliksikan (na propesor at kasalukuyang dekano ng BulSU-Instituto ng Agham Panlipunan at Pilosopiya) na si Reynaldo S. Naguit at ginamit ang pambansang wika ng Pilipinas sa loob ng Bahay Saliksikan, ang Filipino (kung saan ang katagang “Bahay Saliksikan” ay naunang ginamit ng Bahay Saliksikan ng Kasaysayan o BAKAS, isang samahang pangkasaysayan ng mga mananalaysay ng bansa). Magkagayunpaman, ang CBS ay nanatiling pangalan na katumbas ng BSB sa Ingles (e.g.: Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies, DLSU-Dasmariñas Cavite Studies Center, Tarlac State University – Center for Tarlaqueño Studies, at iba pa)

Mula 1998, mayroon ng dalawang naupong direktor ang Bahay Saliksikan: sina Prop. Jaime Corpuz (1998-2002) at Prop. Ray Naguit (2002-2007). At sa kasalukuyan, si Prop. Agnes Crisostomo ang siyang direktor ng Bahay Saliksikan mula 2007 hanggang 2010.

Dati itong naghihimpil sa kasalukuyang BulSU-Alumni Association nang mahigit sa isang semestre noong 1998 at nailipat ng lumaon sa BulSU Annex (na tinatawag ding BulSU Spratly Bldg.) hanggang 2002. At nang maupo si Dir. Naguit na direktor ay kanyang pinag-isa ang opisina nito at ang BulSU – Aklatang Antonio B. Valeriano na nasa Bulwagang Roxas (gusali ng karunungan ng Kolehiyo ng Edukasyon) upang mabantayan ang unti-unting pagkawala ng mga koleksyon ng isa sa mga dakilang lokal na mananalaysay ng Bulacan na si Antonio “Ka Tunying” Valeriano. Nakatulong ito ng malaki sa pananaliksikang Bulakenyo sapagkat mayorya sa mga koleksyon ni Ka Tunying ay tungkol sa Bulakanyana.

Sa kasalukuyan, isa ang BulSU – Bahay Saliksikan ng Bulacan sa mga unang center studies ng mga lalawigan, pangkat kultural at kasaysayan ng bansa. Gayundin ay isa ito sa kinikilalang matagumpay na research center ng bansa dahil sa pagpapatuloy nito sa pagpapakilala ng kalinangan at kasaysayan ng makasaysayang Lalawigan ng Bulacan, at higit sa lahat ay kinilala rin ito ng Surian sa Wikang Filipino bilang institusyong nagtataguyod ng wikang Filipino sa Bulacan at sa buong bansa.

Misyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

L

inangin ang diwang makabayan ng mga Bulakenyo sa pamamagitan ng paglalathala ng mga aklat, research, monograph, at balitaan tungkol sa kultura at kasaysayan ng Bulakan at pagtitipon ng mga tala o datos na magagamit ng sinumang mananaliksik tungkol sa Bulakan na magiging batayan ng mga pampublikong patakaran. Maingatan sa isang lagakan (arkibo at museo) sa hinaharap, ang mga artifacts at lumang dokumento ng Bulacan at magiging tagapagsanay sa mga pormal na kurso sa B.S. Kasaysayang Lokal at tagapag-unay sa mga katulad na institusyon/ ahensya na nagtataguyod ng pag-aaral tungkol sa Bulacan at Kasaysayang Bayan.

Bisyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

I

sang mabisang sentrong panasaliksikan na lumilinang sa kaisipang panlugar (sense of place) at diwang makabayan (nationalism) ng mga Bulakenyo, humhubog sa kamalayan sa kanilang pamanang kultura tungo sa makabuluhang pakikilahok sa mga gampanin sa pamayanan, at may kagalingang nakapagsasagawa ng mga gawaing pangkaalaman (scholarly pursuits) na nagpapahayag ng ambag ng pamantasan sa pagpapaunlad ng mga pamayanan at bansa.

Layunin ng Bahay-saliksikan ng Bulacan

*

A

ng Bahay Saliksikan ng Bulacan ay sentro para sa pananaliksik. Ito’y programa ng Bulacan State University bilang ambag nito sa paglinang ng kaalaman at paspapanatili ng sarili nitong sining, kalinangan, kasaysayan at iba pang larangan na patungkol sa pag-aaral ng kabuuan ng Bulacan bilang lalawigan. Naglalayong ito na pagyamanin ang bigkis-panlipunan at makaambag sa pag-unlad ng pamayanan tungo sa pambansang pagkakakilanlan.

Ang mga Gawain nito ay nahahati sa limang pangkat gawain:

Limang Pangkat-Gawain

* Pananaliksik (Research) na nakatuon sa pagtataguyod ng pamanang pangkalinangan o cultural ng Bulacan at pagbubuo ng mga datos na maaring batayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies)

* Edukasyon at Pamamahagi ng mga kasalukuyang diskurso sa agham panlipunan tungo sa pagbibigay- saligan ng mga kontemporaryong pananaw at kagawian

* Paglalathala (Publication) ng mga bunga ng pagsasaliksik sa anumang larangan ng panlipunang proseso at institusyon, kasaysayan, sining, at kalinangang Bulakenyo

* Pagtataguyod (Advocacy) ng sariling kalinangan bilang pagtuon sa anumang programang pangkaunlaran

* Pakikipag-ugnay (Linkages) at Kolaborasyon sa ibang mga institusyon, kagawaran, at samahan upang mapag-isa ang mga gawaing nagtataguyod ng sining, kalinangan, at kasaysayan tungo sa pambansang kaunlaran at pagkakakilanlan

Sa makatuwid, ito ay naglalayong:

* Magbigay-daan sa mga guro ng pamantasan at mga iskolar na Bulakenyo para sa kanilang pagkabantad sa mga kasalukuyang usapin at talakayan sa agham panlipunan na may kinalaman sa Bulacan. Gayundin ay magbukas ng pagkakataon para sa pagpapalawig ng mga gawaing pangkaalaman sa pamamagitan ng pananaliksik, paglalathala, at bilang tagapagsalita sa mga panayam at komperesiya.

* Maglathala ng mga aklat, sinaliksik, monograph, at talastasan tungkol sa sining, kalinangan, kasaysayan, at mga pamayanan ng Bulacan.

* Makipag-ugnay sa mga sangay ng Kagawaran ng Edukasyon sa pagpapaunlad ng nilalaman ukol sa kalinangan (kultura) ng kurikulum para sa mataas na edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay pagsasanay sa pagtuturo ng sining, kalinangan, at kasaysayang lokal at pambansa.

* Gumawa ng mga modyul sa pagtuturo at manwal para sa mga guro para sa kasaysayang lokal ng Bulacan.

* Magsagawa ng mga talakayan (round table discussions), mga panayam, at mga komperensya ukol sa sining, kalinangan, kasaysayan, sosyo-ekonomiko, at pampulitikang usapin ng Bulakan.

* Magtipon ng batayang datos (baseline data) at komprehensibong impormasyon ukol sa Bulacan na magagamit ng sinumang mananaliksik at mapagbabatayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies).

* Maitatag ang matibay na ugnayan sa ibang mga institusyon, samahan, at ahensya ng pamahalaan na nakatuon sa pag-aaral ng sining, kalinangan, kasaysayang lokal, at kasaysayang bayan.

* Paunlarin ang malayang daloy at palitan ng impormasyon at pananaliksik tungkol sa kasaysayang lokal sining, at kalinangan sa antas-lokal at pambansa.

* Kilalanin ang gampanin ng mga katutubong tao sa Bulacan sa pagpapaunlad ng kalinangan ng lalawigan.

* Magsulong ng mga programa upang pangalagaan ang mga nasasalat at `di-nasasalat na sining at pamanang pangkalinangan ng Bulacan.

* Mangalaga ng museong magtatanghal at mag-iingat ng mga memorabilia ng pamantasan, at gayundin ng mga artifacts, mga makasaysayang kagamitan, mga larawang pangkasaysayan, at iba pang mga bagay na nagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Bulacan.

* Magbukas, sa ilalim ng Instituto ng mga Agham Panlipunan at Pilosopiya, ng pormal na kurso na B.S. Local History at Philippine Studies.

Tuesday, 15 April 2008

Bulakenya sa Las Vegas: Papaanong Inawit ni Melanie Calumpad ang Lupang Hinirang?

ni Ian Christopher B. Alfonso
Lokal na Mananaliksik
Bahay-saliksikan ng Bulacan

(lumabas na artikulo sa PUNLA: Pulso ng Madla noong Disyembre 2007 at sa Ang Ilihan ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Araling Panlipunan ng Kolehiyo ng Edukasyon, Bulacan State University)

Noong Setyembre (mga huling dako) 2007 ibinalita na ang Bulakenyang tubong Calumpit, Bulacan na si Melanie Calumpad, a.k.a. Kyla, ang siyang aawit ng Lupang Hinirang sa laban ni Manny Pacquiao sa Nevada, Estados Unidos noong Oktubre 7, 2007. May mga bali-balita rin naman na si Ara Mina ang nakatakdang aawit ng pambansang awit, subalit si Kyla pa rin ang napili nang bandang huli.

Nang mga panahong iyon ay sariwa pa sa kamalayan ng mga Pilipino ang nangyaring pagkakamali ni Christian Bautista sa pag-awit ng Lupang Hinirang sa isang laban ng boxing sa bansa noong Setyembre 16, 2007. Kung tutuusin ay maayos at nasa anyo ng martsa naman ang pag-awit ni Bautista sa Lupang Hinirang. Subalit pagdating sa ika-4 na saknong, siya’y nagkamali: …Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta… ang mamatay ng dahil sa iyo… Nalaktawan niya ang ika-2 at ika-3 talata ng pambansang awit: …Buhay ay langit sa piling mo; Aming ligaya na pag may mang-aapi…at siya’y ngumiti pa sa dakong huli at nagsipalakpakan pa ang maraming manunood. Agad itong ibinalita sa mga rad-yo, telebisyon, at pahayagan na lalong nagpakaba kay Kyla.

Hindi lang ito ang na-ging isyu noong ika-3 linggo ng Setyembre, 2007. Laman din ng mga balita ang muling pagsulyap sa mga insidente ng mga hindi kanais-nais na paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, lalo na tuwing lumalaban si Pacquiao. Una na rito ang ginawa ni Jennifer Bautista na pumiyok. Ika-2 ay ang mabagal na pag-awit ni Sarah Geronimo. At ika-3 ay ang pagbago ni Geneva Cruz sa cadanza ng Lupang Hinirang sa bandang huli. Hindi pa kabilang dito ang kaso ng pag-awit nina Regine Velasquez at Lani Misa-lucha na lahat ay sa laban ni Pacquiao gumawa ng pagbabago sa Lupang Hinirang. Tila ang mga sunod-sunod na pangyayaring ito ang nagtatak sa isipan ng maraming Pilipino na normal lang na baguhin ang paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Isang pangyayaring dapat na maitama at mabago na baka sa bandang huli ay maging sakit pa ng lipunang Pilipino. Hindi lang ito ang mga kinwestiyon sa kanila kundi pati ang paraan nang kanilang pag-awit dito na malamya at mabagal na animo’y ordinaryong awitin lamang, na kung tutuusin ay dapat sa saliw ng cadanza ng martsa.

Lahat ng ito ay tila pinamukha ng panahong iyon kay Kyla. Mga kamaliang `di na dapat maulit pa at mangyari pa sa laban ni Pacquiao. Sa pagpasok ng Oktubre 2007 ay minatiyagan na siya ng mga komentarista sa showbiz at maging ng mga dalubhasa at ordinaryong Pilipino. Sa panayam sa kanya ng 24 Oras ng GMA 7 siya’y nangakong aawitin niya ng maayos at tama ang Lupang Hinirang. Ipinagdasal din niya na sana’y ‘di mangyari sa kanya ang mga nangyari sa mga unang umawit nito. Gayundin pinag-aralan niya ang paraan ng pag-awit at ang titik ng Lupang Hinirang.

Bago siya umalis noong Oktubre 5, 2007 upang magtungo na sa Nevada para sa kanyang pag-awit ay kinapanayam muna siya ng 24 Oras. Dito ay buong-puso niyang sinabi: …I will sing not as a Kyla but as a Filipino nation… Nangako siya na kanya munang isasantabi ang RnB at aawitin niya ang Lupang Hinirang kung ano ang dapat para rito at hindi bilang isang RnB o ballad. Kinabisado rin niya ang mga titik at hangad niya ang maayos na pag-awit ng pambansang awit ng bansa, at gayundin ang tagumpay ni “Mr. Pacquiao”, ayon sa kanya.

Noong Oktubre 7, 2007 narinig ng buong daigdig ang pag-awit niya sa Lupang Hinirang. Nakafilipiniana siya na puti at nakapuson ang buhok na parang isang tunay na Bulakenya. Inawit niya ito kaiba sa lahat ng mga naunang nagsiawit sa laban ni Pacquiao na pasok sa pamantayan ng martsa, subalit may kabagalan pa rin ng kaunti. Marahil kulang pa ang pagsasamartsa ng kanyang inawit, subalit sa kabuuan nama’y `di hamak na may saysay at may puso na `di pasigaw at malaRnB ang kanyang pagawit kahit papaano. Tumagal ito ng isang minuto at 17.58 segundo.

Sa muling pakikipanayam ng 24 Oras kay Kyla noong Oktubre 8 inamin niyang kinabahan siya sa pag-awit. Kinuha din nila ang puna ng punong direktor ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (National Historical Institute o NHI) na si Ludovico Badoy at inaming tinutukan ng Surian ang kanyang pag-awit. Ito’y sapagkat ang nasabing Surian ang siyang institusyong may responsibilidad sa kaso ng pag-awit ng Lupang Hinirang at lahat nang may tungkol dito. Matamis ang sagot ng Surian, pasado ang pag-awit ni niya at siya’y binati sa pagtatama ng pag-awit ng pambansang awit.

Nakasaad sa Rules and Regulations in Implementing Republic Act No. 8491, series of 1998, The Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms and other Heraldic Items and Devices of the Philippines, rule 4, chapter II, sec. 42 ng Surian na ang paraan ng pag-awit sa Lupang Hinirang, mapatinutugtog ito o inaawit, ay batay sa kung anong paraan ang nilikha ni Julian Felipe na martsa at batay sa orihinal na titik nito sa wikang Filipino. Ito’y sinususugan naman ng Department Order # 5 noong Mayo 26, 1956 na pinagtibay ng Circular # 21 noong Hunyo 22, 1956 at ng Executive Order # 60 noong Disyembre 19, 1963. Idagdag pa rito na ayon sa Batas Republika Blg. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines nang 1998, kabanata VII, seksyon 48 na kakanselahin ang permit ng isang paaralan kung ito’y nilabag sa ika-2 pagkakataon (kapag paaralan ang lalabag sa nasabing batas). At sa seksyon 50 kung saan ang sinumang lalabag sa batas na ito, dayuhan man o Pilipino, ay pagmumultahin nang ‘di baba nang P 5000.00 at ‘di hihigit sa P 20, 000.00, o isang taong pagkakabilanggo. At kapag opisyal ng pamahalaan ang lumabag, ganoon din ang kaparusahan, subalit ang kataas-taasang pasya ay hawak ng Pangulo ng Pilipinas o ng pinuno ng Surian.

Nawa’y maging umpisa na ito ng pagbabago ng takbo ng Lupang Hinirang bilang isang martsa at hindi bilang ordinaryong awitin lamang para sa lahat ng Pilipino, artista man o karaniwang Pilipino. At para sa Bulakenyang si Kyla, siya’y naging daan at kabahagi sa pagwawastong ito para sa ikapapanuto ng nakararami, artista man o pangkaraniwang tao.

No comments: