Lokal na Mananaliksik
Bahay-saliksikan ng Bulacan
(lumabas na artikulo sa PUNLA: Pulso ng Madla noong Disyembre 2007 at sa Ang Ilihan ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Araling Panlipunan ng Kolehiyo ng Edukasyon, Bulacan State University)
Noong Setyembre (mga huling dako) 2007 ibinalita na ang Bulakenyang tubong Calumpit, Bulacan na si Melanie Calumpad, a.k.a. Kyla, ang siyang aawit ng Lupang Hinirang sa laban ni Manny Pacquiao sa Nevada, Estados Unidos noong Oktubre 7, 2007. May mga bali-balita rin naman na si Ara Mina ang nakatakdang aawit ng pambansang awit, subalit si Kyla pa rin ang napili nang bandang huli.
Nang mga panahong iyon ay sariwa pa sa kamalayan ng mga Pilipino ang nangyaring pagkakamali ni Christian Bautista sa pag-awit ng Lupang Hinirang sa isang laban ng boxing sa bansa noong Setyembre 16, 2007. Kung tutuusin ay maayos at nasa anyo ng martsa naman ang pag-awit ni Bautista sa Lupang Hinirang. Subalit pagdating sa ika-4 na saknong, siya’y nagkamali: …Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta… ang mamatay ng dahil sa iyo… Nalaktawan niya ang ika-2 at ika-3 talata ng pambansang awit: …Buhay ay langit sa piling mo; Aming ligaya na pag may mang-aapi…at siya’y ngumiti pa sa dakong huli at nagsipalakpakan pa ang maraming manunood. Agad itong ibinalita sa mga rad-yo, telebisyon, at pahayagan na lalong nagpakaba kay Kyla.
Hindi lang ito ang na-ging isyu noong ika-3 linggo ng Setyembre, 2007. Laman din ng mga balita ang muling pagsulyap sa mga insidente ng mga hindi kanais-nais na paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, lalo na tuwing lumalaban si Pacquiao. Una na rito ang ginawa ni Jennifer Bautista na pumiyok. Ika-2 ay ang mabagal na pag-awit ni Sarah Geronimo. At ika-3 ay ang pagbago ni Geneva Cruz sa cadanza ng Lupang Hinirang sa bandang huli. Hindi pa kabilang dito ang kaso ng pag-awit nina Regine Velasquez at Lani Misa-lucha na lahat ay sa laban ni Pacquiao gumawa ng pagbabago sa Lupang Hinirang. Tila ang mga sunod-sunod na pangyayaring ito ang nagtatak sa isipan ng maraming Pilipino na normal lang na baguhin ang paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Isang pangyayaring dapat na maitama at mabago na baka sa bandang huli ay maging sakit pa ng lipunang Pilipino. Hindi lang ito ang mga kinwestiyon sa kanila kundi pati ang paraan nang kanilang pag-awit dito na malamya at mabagal na animo’y ordinaryong awitin lamang, na kung tutuusin ay dapat sa saliw ng cadanza ng martsa.
Lahat ng ito ay tila pinamukha ng panahong iyon kay Kyla. Mga kamaliang `di na dapat maulit pa at mangyari pa sa laban ni Pacquiao. Sa pagpasok ng Oktubre 2007 ay minatiyagan na siya ng mga komentarista sa showbiz at maging ng mga dalubhasa at ordinaryong Pilipino. Sa panayam sa kanya ng 24 Oras ng GMA 7 siya’y nangakong aawitin niya ng maayos at tama ang Lupang Hinirang. Ipinagdasal din niya na sana’y ‘di mangyari sa kanya ang mga nangyari sa mga unang umawit nito. Gayundin pinag-aralan niya ang paraan ng pag-awit at ang titik ng Lupang Hinirang.
Bago siya umalis noong Oktubre 5, 2007 upang magtungo na sa Nevada para sa kanyang pag-awit ay kinapanayam muna siya ng 24 Oras. Dito ay buong-puso niyang sinabi: …I will sing not as a Kyla but as a Filipino nation… Nangako siya na kanya munang isasantabi ang RnB at aawitin niya ang Lupang Hinirang kung ano ang dapat para rito at hindi bilang isang RnB o ballad. Kinabisado rin niya ang mga titik at hangad niya ang maayos na pag-awit ng pambansang awit ng bansa, at gayundin ang tagumpay ni “Mr. Pacquiao”, ayon sa kanya.
Noong Oktubre 7, 2007 narinig ng buong daigdig ang pag-awit niya sa Lupang Hinirang. Nakafilipiniana siya na puti at nakapuson ang buhok na parang isang tunay na Bulakenya. Inawit niya ito kaiba sa lahat ng mga naunang nagsiawit sa laban ni Pacquiao na pasok sa pamantayan ng martsa, subalit may kabagalan pa rin ng kaunti. Marahil kulang pa ang pagsasamartsa ng kanyang inawit, subalit sa kabuuan nama’y `di hamak na may saysay at may puso na `di pasigaw at malaRnB ang kanyang pagawit kahit papaano. Tumagal ito ng isang minuto at 17.58 segundo.
Sa muling pakikipanayam ng 24 Oras kay Kyla noong Oktubre 8 inamin niyang kinabahan siya sa pag-awit. Kinuha din nila ang puna ng punong direktor ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (National Historical Institute o NHI) na si Ludovico Badoy at inaming tinutukan ng Surian ang kanyang pag-awit. Ito’y sapagkat ang nasabing Surian ang siyang institusyong may responsibilidad sa kaso ng pag-awit ng Lupang Hinirang at lahat nang may tungkol dito. Matamis ang sagot ng Surian, pasado ang pag-awit ni niya at siya’y binati sa pagtatama ng pag-awit ng pambansang awit.
Nakasaad sa Rules and Regulations in Implementing Republic Act No. 8491, series of 1998, The Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms and other Heraldic Items and Devices of the Philippines, rule 4, chapter II, sec. 42 ng Surian na ang paraan ng pag-awit sa Lupang Hinirang, mapatinutugtog ito o inaawit, ay batay sa kung anong paraan ang nilikha ni Julian Felipe na martsa at batay sa orihinal na titik nito sa wikang Filipino. Ito’y sinususugan naman ng Department Order # 5 noong Mayo 26, 1956 na pinagtibay ng Circular # 21 noong Hunyo 22, 1956 at ng Executive Order # 60 noong Disyembre 19, 1963. Idagdag pa rito na ayon sa Batas Republika Blg. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines nang 1998, kabanata VII, seksyon 48 na kakanselahin ang permit ng isang paaralan kung ito’y nilabag sa ika-2 pagkakataon (kapag paaralan ang lalabag sa nasabing batas). At sa seksyon 50 kung saan ang sinumang lalabag sa batas na ito, dayuhan man o Pilipino, ay pagmumultahin nang ‘di baba nang P 5000.00 at ‘di hihigit sa P 20, 000.00, o isang taong pagkakabilanggo. At kapag opisyal ng pamahalaan ang lumabag, ganoon din ang kaparusahan, subalit ang kataas-taasang pasya ay hawak ng Pangulo ng Pilipinas o ng pinuno ng Surian.
No comments:
Post a Comment