Mabuhay!
Sapagkat ika'y Bulakenyo, PILIPINO!
Opisyal na Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
Tungkol sa Sagisag ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
A |
ng luntiang kawayan (na nakapabilog) ay sumasagisag sa pangunahing sagisag ng Bulacan, ang kawayan, na isang pangkalahatang sagisag na makikita sa mga sagisag-pambayan ng mga bayan at lungsod sa Bulacan. Gayundin ito’y sumasagisag bilang kinatawan ng lahat ng halaman sapagkat kinilala ang Lalawigan ng Bulacan mula pa noong panahon ng mga Kastila at mga Amerikano bilang “Hardin ng Pilipinas.” At ito rin ay sumasagisag maging sa kawayang bansot o bukawe na sumasagisag sa katapangan ng mga Bulakenyo, at gayundin ng katutubong sandata ng mga unang mamamayan ng Bulacan, ang mga Dumagat. Ang baybayin na ba, sa, at ba ay sumasagisag sa inisyal na titik ng “Bahay-saliksikan ng Bulacan” sa lumang ortograpiyang Filipino. Ang 1998 naman ay kumakatawan sa taon kung kailan naisilang ang BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan. Ang rayos (gear) ay sumasagisag sa istandard na sagisag ng
Ang unang sagisag nito noong 1998 ay isang kalabaw na may mga banderitas sa sungay kung saan ito ang siya ring opsiyal na sagisag ng Singkaban Festival o Linggo ng Bulacan na nilikha ni Dir. Armand Sta. Ana ng Provincial Youth, Sports, Entrepreneurship, Culture and the Arts ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PYSEACO). Subalit noong 2004 ito’y binago at ginawan ng sariling sagisag at disenyo ni Prop. Ray Naguit kung saan ito na ngayon ang opisyal na ginagamit ng Bahay-saliksikan.
Tungkol sa Bahay-saliksikan ng Bulacan
- Bahay-saliksikan ng Bulacan
- Lungsod ng Malolos, Lalawigan ng Bulacan, Philippines
- Sa pakikiisa ng Bulacan State University at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulakan,Inc., itinatag noong 1998 ang isang bahay-saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ito ay nasimulang imungkahi ni Dr. Jaime B. Veneracion ng Unibersidad ng Pilipinas at noo'y pangulo ng SAMPAKA, Inc. na isang Bulakenyo noong 1997 sa dating pangulo ng BulSU na si Dr. Rosario Pimentel. Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay-saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay -saliksikan ng Bulacan upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito.
Kasaysayan ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
|
Sa pakikiisa ng Bulacan State University (BulSU) at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, Inc. (SAMPAKA), itinatag noong 1998 ang isang bahay saliksikang magiging sinupan ng mga tala, mga pananaliksik, at mga may kaugnayan sa paglilinang, pagtitipon, pagsasagip, at pagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan tungo sa pambansang pagkakakilanlan, at ito ang Center for Bulacan Studies. Ang unang proyekto nitong isinagawa (kasama ang SAMPAKA, Inc.) ay ang pagsasagawa ng International Conference on Malolos Congress noong 1998 sa Bulwagang Valencia sa BulSU, Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Noong Pebrero 4, 2003, sa paglulunsad ng mga programa at mga gawain ng CBS saloob ng apat na taon (2003-2007), ang opisyal na pangalan ng bahay saliksikang ito ay pinalitan bilang Bahay Saliksikan ng Bulacan (BSB) upang maipakilala ang makabayan at makabansang oryentasyon ng institusyong ito. Pinangunahan itonoon ng direktor ng Bahay Saliksikan (na propesor at kasalukuyang dekano ng BulSU-Instituto ng Agham Panlipunan at Pilosopiya) na si Reynaldo S. Naguit at ginamit ang pambansang wika ng Pilipinas sa loob ng Bahay Saliksikan, ang Filipino (kung saan ang katagang “Bahay Saliksikan” ay naunang ginamit ng Bahay Saliksikan ng Kasaysayan o BAKAS, isang samahang pangkasaysayan ng mga mananalaysay ng bansa). Magkagayunpaman, ang CBS ay nanatiling pangalan na katumbas ng BSB sa Ingles (e.g.:
Mula 1998, mayroon ng dalawang naupong direktor ang Bahay Saliksikan: sina Prop. Jaime Corpuz (1998-2002) at Prop. Ray Naguit (2002-2007). At sa kasalukuyan, si Prop. Agnes Crisostomo ang siyang direktor ng Bahay Saliksikan mula 2007 hanggang 2010.
Dati itong naghihimpil sa kasalukuyang BulSU-Alumni Association nang mahigit sa isang semestre noong 1998 at nailipat ng lumaon sa BulSU Annex (na tinatawag ding BulSU Spratly Bldg.) hanggang 2002. At nang maupo si Dir. Naguit na direktor ay kanyang pinag-isa ang opisina nito at ang BulSU – Aklatang Antonio B. Valeriano na nasa Bulwagang Roxas (gusali ng karunungan ng Kolehiyo ng Edukasyon) upang mabantayan ang unti-unting pagkawala ng mga koleksyon ng isa sa mga dakilang lokal na mananalaysay ng Bulacan na si Antonio “Ka Tunying” Valeriano. Nakatulong ito ng malaki sa pananaliksikang Bulakenyo sapagkat mayorya sa mga koleksyon ni Ka Tunying ay tungkol sa Bulakanyana.
Misyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
L |
inangin ang diwang makabayan ng mga Bulakenyo sa pamamagitan ng paglalathala ng mga aklat, research, monograph, at balitaan tungkol sa kultura at kasaysayan ng Bulakan at pagtitipon ng mga tala o datos na magagamit ng sinumang mananaliksik tungkol sa Bulakan na magiging batayan ng mga pampublikong patakaran. Maingatan sa isang lagakan (arkibo at museo) sa hinaharap, ang mga artifacts at lumang dokumento ng Bulacan at magiging tagapagsanay sa mga pormal na kurso sa B.S. Kasaysayang Lokal at tagapag-unay sa mga katulad na institusyon/ ahensya na nagtataguyod ng pag-aaral tungkol sa Bulacan at Kasaysayang Bayan.
Bisyon ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
I |
sang mabisang sentrong panasaliksikan na lumilinang sa kaisipang panlugar (sense of place) at diwang makabayan (nationalism) ng mga Bulakenyo, humhubog sa kamalayan sa kanilang pamanang kultura tungo sa makabuluhang pakikilahok sa mga gampanin sa pamayanan, at may kagalingang nakapagsasagawa ng mga gawaing pangkaalaman (scholarly pursuits) na nagpapahayag ng ambag ng pamantasan sa pagpapaunlad ng mga pamayanan at bansa.
Layunin ng Bahay-saliksikan ng Bulacan
A |
ng Bahay Saliksikan ng Bulacan ay sentro para sa pananaliksik. Ito’y programa ng
Ang mga Gawain nito ay nahahati sa limang pangkat gawain:
Limang Pangkat-Gawain
Pananaliksik (Research) na nakatuon sa pagtataguyod ng pamanang pangkalinangan o cultural ng Bulacan at pagbubuo ng mga datos na maaring batayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies)
Edukasyon at Pamamahagi ng mga kasalukuyang diskurso sa agham panlipunan tungo sa pagbibigay- saligan ng mga kontemporaryong pananaw at kagawian
Paglalathala (Publication) ng mga bunga ng pagsasaliksik sa anumang larangan ng panlipunang proseso at institusyon, kasaysayan, sining, at kalinangang Bulakenyo
Pagtataguyod (Advocacy) ng sariling kalinangan bilang pagtuon sa anumang programang pangkaunlaran
Pakikipag-ugnay (Linkages) at Kolaborasyon sa ibang mga institusyon, kagawaran, at samahan upang mapag-isa ang mga gawaing nagtataguyod ng sining, kalinangan, at kasaysayan tungo sa pambansang kaunlaran at pagkakakilanlan
Sa makatuwid, ito ay naglalayong:
Magbigay-daan sa mga guro ng pamantasan at mga iskolar na Bulakenyo para sa kanilang pagkabantad sa mga kasalukuyang usapin at talakayan sa agham panlipunan na may kinalaman sa Bulacan. Gayundin ay magbukas ng pagkakataon para sa pagpapalawig ng mga gawaing pangkaalaman sa pamamagitan ng pananaliksik, paglalathala, at bilang tagapagsalita sa mga panayam at komperesiya.
Maglathala ng mga aklat, sinaliksik, monograph, at talastasan tungkol sa sining, kalinangan, kasaysayan, at mga pamayanan ng Bulacan.
Makipag-ugnay sa mga sangay ng Kagawaran ng Edukasyon sa pagpapaunlad ng nilalaman ukol sa kalinangan (kultura) ng kurikulum para sa mataas na edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay pagsasanay sa pagtuturo ng sining, kalinangan, at kasaysayang lokal at pambansa.
Gumawa ng mga modyul sa pagtuturo at manwal para sa mga guro para sa kasaysayang lokal ng Bulacan.
Magsagawa ng mga talakayan (round table discussions), mga panayam, at mga komperensya ukol sa sining, kalinangan, kasaysayan, sosyo-ekonomiko, at pampulitikang usapin ng Bulakan.
Magtipon ng batayang datos (baseline data) at komprehensibong impormasyon ukol sa Bulacan na magagamit ng sinumang mananaliksik at mapagbabatayan sa pagbalangkas ng mga patakarang pampubliko (informed public policies).
Maitatag ang matibay na ugnayan sa ibang mga institusyon, samahan, at ahensya ng pamahalaan na nakatuon sa pag-aaral ng sining, kalinangan, kasaysayang lokal, at kasaysayang bayan.
Paunlarin ang malayang daloy at palitan ng impormasyon at pananaliksik tungkol sa kasaysayang lokal sining, at kalinangan sa antas-lokal at pambansa.
Kilalanin ang gampanin ng mga katutubong tao sa Bulacan sa pagpapaunlad ng kalinangan ng lalawigan.
Magsulong ng mga programa upang pangalagaan ang mga nasasalat at `di-nasasalat na sining at pamanang pangkalinangan ng Bulacan.
Mangalaga ng museong magtatanghal at mag-iingat ng mga memorabilia ng pamantasan, at gayundin ng mga artifacts, mga makasaysayang kagamitan, mga larawang pangkasaysayan, at iba pang mga bagay na nagpapakilala ng sining, kalinangan, at kasaysayan ng Bulacan.
Magbukas, sa ilalim ng Instituto ng mga Agham Panlipunan at Pilosopiya, ng pormal na kurso na B.S. Local History at Philippine Studies.
Thursday, May 29, 2008
Monday, April 28, 2008
KAMALAYANG BAYAN NG MGA BULAKENYO, ISANG SULIRANING PANLALAWIGAN NG MAKULAY AT MAKASAYSAYANG BULACAN
Mananaliksik
Bahay-saliksikan ng Bulacan
(halaw mula sa papel na ipinasa ng Bahay-saliksikan para sa pagdining ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa resolusyong naglalayong ipagdiwang sa Lalawigan ng Bulacan ang Pambansang Araw ng Watawat ng Pilipinas)
Pambungad
Tunay na makasaysayan ang Lalawigan ng Bulacan, at ito’y walang duda. Hindi nakapagtataka na normal na lamang na mabanggit ang pangalan ng Bulacan sa kasaysayan, gayundin sa iba pang larangan gaya ng agham, edukasyon, sining, palakasan, at serbisyong bayan. Kaya’t ang sabihing “kinaiinggitan ang Bulacan,” ayon kay Bise-Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado, ay isang pagkilala na dapat patunayan ng Bulacan sa kasalukuyan.
Hindi na kailangan pang isa-isahin ang mgabagay ng makapagpatunay na tayo nga ang sentro ng kasaysayan. Paano nating maipararamdam sa iba na sa pagpasok nila sa Bulacan ay ramdam nilang makatapak sila sa lupain ng Kasaysayan at kaunlaran. At higit sa lahat ay kung paano natin maipapanatili ang pagkilalang ito sa atin ng iba na hindi sila madidismaya at masasayang ang kanilang impresyon sa dakila ng lalawigan natin.
Pagbasag sa Problema
Maraming iskolar na Bulakenyo ang nagsasabing “kulang” ang damdamin at espirito ng kasaysayan at kalinangan sa Bulacan. Samaktuwid ay “hindi” maramdam, lalong-higit ng marami sa mga Bulakenyo, na sila’y nasa makasaysayang Bulacan. Marami ding natatawa na lamang sa iba, lalo na ang mga Pilipinong mula pa sa Kamaynilaan at rehiyong Kapampangan, sa tuwing sinasabi nila na “…Ramdam ba ninyong makasaysayan sa Bulacan?” Ang sagot ng ilan sa mga Bulakenyo na matawa tawa pa “…Ay nako! Huwag ka ng umasa; Kami nga mismong Bulakenyo hindi maramdaman ito…” Nakakalungkot mang isipin at ito ang napapansing higit ng Bahay-saliksikan ng Bulacan sa mga bagong Bulakenyo.
Ayon nga sa aklat ni Dr. Jamie B. Veneracion ng Bulakan ng mga bayani: Mga Sanaysay Tungkol sa Rebolusyon ng 1896 at Digmaang Pilipino-Amerikano ng 1899 na inilathala ng Bahay-saliksikan noong 2007: “…Ganyan din marahil ang pwede nating sabihin sa kaso ng Bulacan; Sa retorika ng mga publisista at pulitika, walang gatol ang pagmamalaking lalawigan ang Bulacan ng mga ‘magigiting na bayani at naggagandahang mga dilag;’ Ngunit tungkol sa mga kabayanihan, wala tayong katiyakan kung sa bawat isang natukoy nating bayani ay hindi katapat naman noon ang sampung suwail at walang saysay na lipunan. . . " Nakakalungkot man, subalit ito’y totoo.
Paliwanag naman ng dating Direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Reynaldo S. Naguit kung bakit ito nagaganap ay dahil may problema mismo ang lipunan. Problema na maiuugat “mismo” sa kawalan ng kamalayan at pansin sa sariling kasaysayan at kalinangan ng mga Bulakenyo, at ito ay ipinaliwanag niya sa kanyang isinusulong na pananaw na Kamalayang Bayan.
May kamalayan sa sariling lugar ang mga Bulakenyo subalit kulang, ayon kay Prop. Naguit. Ito’y sapagkat iniisip ng bawat isa sa mga Bulakenyo na wala namang saysay kung malalaman ng iba ang sarili nilang lugar dahil sa nabuong diwa sa kanilang tinatawag na inferiority complex, ayon naman sa kasalukuyang direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Agnes DR Crisostomo, isang dalubhasa sa larangan ng Sikolohiya. Ito ang dahilan kung bakit walang interes at hilig ang marami sa Bulakenyo na ipakilala ang sarili nilang kalinangan at kasaysayan at hinahayaan na lamang nilang itago sa sarili ang mga bagay na mayroon sila. Kaya’t ang nangyayari, hindi lamang sa sarili nilang lugar sila’y walang hilig at interes, maging sa pangkalahatang kasaysayan at kalinangan ay wala din silang interes at hilig. Lahat ng ito ay magreresulta sa sinasabi ni Prop. Naguit na “kawalan ng kamalayan sa sariling lugar.” Halimbawa nito ay kung may magtanong sa isang Bulakenyo kung ano ang Republika ng Cacarong, ilan sa mga Bulakenyo ay hindi ito masagot dahil sa kakulangan ng kamalayan sa sariling lupain.
Lahat na ito ay may dahilan, at ito ay ang katoohanang hindi maramdaman ng mga Bulakenyo ang patunay na sila ay nasa lupain nga ng kasaysayan at kalinangan. Alam nila na kilala sila sa buong mundo, subalit kilala ba nila o alam ba nila kung bakit sila kilala? Ito ang halos naitatanong ngayon ng Bahay-saliksikan sa Bulacan. Marami na sa mga Bulakenyo ang nawawalan ng interes at hilig sa sariling lupain dahil ang mismong iniinugan nilang lipunan ay may problema, lalo na ang kabataan. Bagama’t may ilan pang talagang may hilig at interes sa marami sa mga Bulakenyo at lalong-higit sa mga kabataan, subalit bilang na lamang ang mga ito, kaya’t ito ang nakitang misyon ng kasalukuyang direktor ng Bahay-saliksikan na si Prop. Crisostomo, ang tipunin ang mga ito at katawanin ang mas komprehensibo at malawak na Bahay-saliksikan ng Bulacan para sa Lalawigan ng Bulacan.
Subalit papaano mawawakasan, o kung hindi man ay mababawasan, ang problemang ito? Simple lang naman ang sagot. Kumilos ang kinauukulan, lalo na ang pamahalaan, at gumawa ng iba’t ibang paraan kung paano ito mababawasan at paano magigising ang tulog pang damdamin ng mga Bulakenyo. Ayon nga sa kasabihan, “pag gusto, maraming paraan.”
Ang Sagot sa Problema
Yaman din lamang na marami ng paraang sinimulang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang ang kasaysayan, kalinangan. at kapaligiran ng Lalawigan ay maipakilala, ang kailangan na lamang ay kung paano ito mas lalong mailalapit, hindi lamang sa buong bansa, kundi lalong higit “mismong” sa mga Bulakenyo. Nauunawaan ng Bahay-saliksikan ang problema ng Bulacan dahil talagang hawak ng Lalawigan ang halos kasaysayan na ng buong Pilipinas, lalo na sa mga panahong ang Republika ng Malolos ay namamayagpag, gayundin ang halos mga kilalang Pilipino sa kasaysayan at kalinangan ay pawang mga Bulakenyo.
Ayon nga kay Prop. Naguit sa paglalarawan sa napakayamang Aklatang Antonio B. Valeriano ng Bulacan State University, “…hindi ang kakulangan kundi ang kasaganahan ang suliranin…” Ganyang-ganyan ang Bulacan. Sa sobrang sagana ng kasaysayan at kalinangan nito ay isang malaking misyon ito ng Pamahalaang Panlalawigan kung paano ito mapapanatili at maipapakilala ng may pitik sa puso hindi lamang sa mga Pilipino o sa mga dayuhan kundi lalong-higit sa mga katutubong Bulakenyo nito.
Ayon pa kay Prop. Naguit, makatutulong ang makabagong sistema ng pagpapakilala sa mga gawaing pangkasaysayan at pangkalinangan. Ayon sa kanya ay dapat bumabalangkas ng mga Kapasyahan o resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na naglalayon gumawa ng lokal na paggunita ang lahat bayan at lungsod ng Bulacan sa mga makasaysayag paggunita ng lalawigan at ng Pilipinas, gaya ng Araw ng Bulacan (na sinaliksik ng Bahay-saliksikan noong 2005 sa ilalim ng dating Punong-lalawigang Josefina M. dela Cruz), Linggo ng Bulacan, Republika ng Malolos, Konggreso ng Malolos, Araw ng Kalayaan, at ng Araw ng Watawat ng Pilipinas. Ito’y dahil napansin niya, gayundin ng iba, na bakit isinesentro lang sa Malolos, o kung hindi man ay sa mga piling lugar lamang, ang panggunita ng mga ito sa Bulacan. Posibleng ito nama’y kontrahin ng Pamahalaang Panlalawigan dahil may mga kautusan nga naman itong ipinakakalat na isagawa o gumawa ng mga paggunita ang iba’t ibang pamahalaang bayan at lungsod ng Bulacan.
Oo nga’t `di nagkulang ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapatupad. Subalit ang malawakan at mahigpitang pagpapatupad at pagmamatyag ang maramil siyang kulang na lang para maging matagumpay ang ating mapgpursigi at ulirang Pamahalaang Panlalawigan. May mga bayang nawawalan ng inisyatibo para ito’y isagawa dahil kulang ang mahigpit at bangis ng pag-uutos ng nakatataas. At para sa Sangguniang Panlalawigan, ang mungkahi ng Bahay-saliksikan, ay ito dapat ang isa sa kailangang simulang tutukan ng ating mga Bokal.
Ayon pa kay Prop. Naguit, nariyan ang mga tarpaulin, posters, banners, at streamers para ipaalala sa bawat mamamayan ng mga bayan at lungsod na “…Aba, ngayon pala’y ganito ganyan, ganere...” Sa pamamagitan nito ay makatutulong ang Pamahalaan para maipakilala sa lahat ang mga petsang may tinta sa kalendaryo ng kasaysayan at kalinangan ng Lalawigan at ng Bansa. Iyon nga lang ay kailangang “iwasan” ng mga pinunong-bayan (pulitiko) na ikabit ang mga larawan nila o ang napakalaking pangalan nila na halos kainin na ang espasyo ng mga tarpaulin. Ito’y dahil makapadagdag pa ito sa agam-agam ng mga Bulakenyo na “pinulitika” na naman ang mga makasaysayang mensahe ng araw o petsa at maski sa magising ang kamalayang bayan ng mga Bulakenyo ay kondenahin o katamaran pa ang mga ito ng mga taumbayan. Sa madaling-sabi, ang Bahay-saliksikan ay nagsasabi ng buong pagkukumbaba at galang sa mga kinauukulan na “huwag ng haluan pa ng pulitika ang kanilang mga mensahe, lalo pa’t kung ito ay makasaysayan at makakalinangan na patungkol sa Bulacan o sa Pilipinas.” Maaari namang sabihin sa mga tarpaulin na “…Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagdiriang ng Lalawigan/ ng bansa sa ganito, ganire…” At muli, mungkahi ng Bahay-saliksikan sa ating mahal na Sangguniang Panlalawigan na kailangan ding gumawa ng mga resolusyon upang mahigpit na ipag-utos, o hanggat maaari ay limitahan (o kung maaari lamang ay ipagbawal na) ang pagkakabit ng mga mukha ng mga pulitiko sa mga tarpaulin o streamers at iba pang mapulitikang anunsyo na dapat nakapangalan sa mga taumbayan. Isa pang halimbawa ay ang ganito: Ang Taumbayan ng Malolos ay nakikiisa sa ganito, ganire; ang Pamahlaang-bayan ng Doña Remedios Trinidad ay binabati ang ganito, ganiyan…
Mungkahi naman ng espesyalista at instruktor sa dagitaban o computer technology ng Bulacan State University at katulong na manunulat ng Bahay-saliksikan na si G. Jason Villafuetre, napakalaki ng maitutulong ng ICT sa pagpapakilala ng Lalawigan sa natatangi nitong Kasaysayan at kalinangan kung ito lamang ay papansinin, unang-una ng Bulacan State University. Pagdating sa Pamahalaang Panlalawigan, ito’y nagawa na ng Information Technology Department ng Kapitolyo sa laging nagkakamit ng mga prangal taun-taon na bahay-dagitab o website ng Lalawigan na www.bulacan.gov.ph. Walang-duda, at maging ang Bahay-saliksikan ay saludo dahil sa tunay ngang ramdam ng mga Bulakenyo ang pagmamalaki na sila’y malapit sa Lalawigan ng Bulacan sa tuwing bubuksan ang bahay-dagitab na ito ng Pamahalaang Panlalawigan sa internet. Ang mungkahi na lamang ng Bahay-saliksikan ay ang pagpapalawak ng mga kaalamang nakakabit o uploaded na sa internet, at ito ngayon ang sinusubukang tahakin ng Bahay-saliksikan. Kabilang pa rito, ayon ka’y G. Villafuerte, ang mga telebisyon, radio, at mga print adds sa mga pahayagan, at ito nama’y kitang-kita sa mga patalastas ng ABS-CBN 2 at mga palatuntunan ng GMA 7.
Dagdag pa rito ay kailangang suportahan ng Pamahalaang Panlalawigan at Sangguniang Panlalawigan ang ang paggunita at pagdiriwang ng iba’t ibang makasaysayan at kultural na pagdiriwang ng Bulacan at ng Pilipinas. Ito’y upang lalong ipakilala sa buong bansa na tayo, bilang lalawigan ng kasaysayan at kalinangan, ay patuloy na ipinapakilala ang pagkilalang ito sa atin. At higit sa lahat, kailangang ilapit sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Bulacan ang mga paggunita at pagdiriwang na ito, at iwasang isentro lamang sa Malolos o kung saan man ang nasabing mga pagdiriwang. Ito ay naisip ni G. Alex L. Balagtas, shrine curator II ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan sa Makasaysayang Dambana ng Marcelo H. Del Pilar. Kailangan ay taun-taong may magho-host ng mga paggunita upang mailapit sa mga Bulakenyo sa labas ng Malolos ang paggunita, lalo na ang Singkaban Festival, at ang tawag niya rito ay rotation of hosting.
Ang lahat ng ito ay nagawang ipagsama-sama ng Bahay-saliksikan sa natatanging paggunita ng Bulacan sa Pambansang Araw ng Watawat ng Pilipinas tuwing Mayo 28. Ito’y alinsunod sa pagsang-ayon ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan at ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulakan, Inc.
Tuesday, April 15, 2008
Bulakenya sa Las Vegas: Papaanong Inawit ni Melanie Calumpad ang Lupang Hinirang?
Lokal na Mananaliksik
Bahay-saliksikan ng Bulacan
(lumabas na artikulo sa PUNLA: Pulso ng Madla noong Disyembre 2007 at sa Ang Ilihan ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Araling Panlipunan ng Kolehiyo ng Edukasyon, Bulacan State University)
Noong Setyembre (mga huling dako) 2007 ibinalita na ang Bulakenyang tubong Calumpit, Bulacan na si Melanie Calumpad, a.k.a. Kyla, ang siyang aawit ng Lupang Hinirang sa laban ni Manny Pacquiao sa Nevada, Estados Unidos noong Oktubre 7, 2007. May mga bali-balita rin naman na si Ara Mina ang nakatakdang aawit ng pambansang awit, subalit si Kyla pa rin ang napili nang bandang huli.
Nang mga panahong iyon ay sariwa pa sa kamalayan ng mga Pilipino ang nangyaring pagkakamali ni Christian Bautista sa pag-awit ng Lupang Hinirang sa isang laban ng boxing sa bansa noong Setyembre 16, 2007. Kung tutuusin ay maayos at nasa anyo ng martsa naman ang pag-awit ni Bautista sa Lupang Hinirang. Subalit pagdating sa ika-4 na saknong, siya’y nagkamali: …Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta… ang mamatay ng dahil sa iyo… Nalaktawan niya ang ika-2 at ika-3 talata ng pambansang awit: …Buhay ay langit sa piling mo; Aming ligaya na pag may mang-aapi…at siya’y ngumiti pa sa dakong huli at nagsipalakpakan pa ang maraming manunood. Agad itong ibinalita sa mga rad-yo, telebisyon, at pahayagan na lalong nagpakaba kay Kyla.
Hindi lang ito ang na-ging isyu noong ika-3 linggo ng Setyembre, 2007. Laman din ng mga balita ang muling pagsulyap sa mga insidente ng mga hindi kanais-nais na paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, lalo na tuwing lumalaban si Pacquiao. Una na rito ang ginawa ni Jennifer Bautista na pumiyok. Ika-2 ay ang mabagal na pag-awit ni Sarah Geronimo. At ika-3 ay ang pagbago ni Geneva Cruz sa cadanza ng Lupang Hinirang sa bandang huli. Hindi pa kabilang dito ang kaso ng pag-awit nina Regine Velasquez at Lani Misa-lucha na lahat ay sa laban ni Pacquiao gumawa ng pagbabago sa Lupang Hinirang. Tila ang mga sunod-sunod na pangyayaring ito ang nagtatak sa isipan ng maraming Pilipino na normal lang na baguhin ang paraan ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Isang pangyayaring dapat na maitama at mabago na baka sa bandang huli ay maging sakit pa ng lipunang Pilipino. Hindi lang ito ang mga kinwestiyon sa kanila kundi pati ang paraan nang kanilang pag-awit dito na malamya at mabagal na animo’y ordinaryong awitin lamang, na kung tutuusin ay dapat sa saliw ng cadanza ng martsa.
Lahat ng ito ay tila pinamukha ng panahong iyon kay Kyla. Mga kamaliang `di na dapat maulit pa at mangyari pa sa laban ni Pacquiao. Sa pagpasok ng Oktubre 2007 ay minatiyagan na siya ng mga komentarista sa showbiz at maging ng mga dalubhasa at ordinaryong Pilipino. Sa panayam sa kanya ng 24 Oras ng GMA 7 siya’y nangakong aawitin niya ng maayos at tama ang Lupang Hinirang. Ipinagdasal din niya na sana’y ‘di mangyari sa kanya ang mga nangyari sa mga unang umawit nito. Gayundin pinag-aralan niya ang paraan ng pag-awit at ang titik ng Lupang Hinirang.
Bago siya umalis noong Oktubre 5, 2007 upang magtungo na sa Nevada para sa kanyang pag-awit ay kinapanayam muna siya ng 24 Oras. Dito ay buong-puso niyang sinabi: …I will sing not as a Kyla but as a Filipino nation… Nangako siya na kanya munang isasantabi ang RnB at aawitin niya ang Lupang Hinirang kung ano ang dapat para rito at hindi bilang isang RnB o ballad. Kinabisado rin niya ang mga titik at hangad niya ang maayos na pag-awit ng pambansang awit ng bansa, at gayundin ang tagumpay ni “Mr. Pacquiao”, ayon sa kanya.
Noong Oktubre 7, 2007 narinig ng buong daigdig ang pag-awit niya sa Lupang Hinirang. Nakafilipiniana siya na puti at nakapuson ang buhok na parang isang tunay na Bulakenya. Inawit niya ito kaiba sa lahat ng mga naunang nagsiawit sa laban ni Pacquiao na pasok sa pamantayan ng martsa, subalit may kabagalan pa rin ng kaunti. Marahil kulang pa ang pagsasamartsa ng kanyang inawit, subalit sa kabuuan nama’y `di hamak na may saysay at may puso na `di pasigaw at malaRnB ang kanyang pagawit kahit papaano. Tumagal ito ng isang minuto at 17.58 segundo.
Sa muling pakikipanayam ng 24 Oras kay Kyla noong Oktubre 8 inamin niyang kinabahan siya sa pag-awit. Kinuha din nila ang puna ng punong direktor ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (National Historical Institute o NHI) na si Ludovico Badoy at inaming tinutukan ng Surian ang kanyang pag-awit. Ito’y sapagkat ang nasabing Surian ang siyang institusyong may responsibilidad sa kaso ng pag-awit ng Lupang Hinirang at lahat nang may tungkol dito. Matamis ang sagot ng Surian, pasado ang pag-awit ni niya at siya’y binati sa pagtatama ng pag-awit ng pambansang awit.
Nakasaad sa Rules and Regulations in Implementing Republic Act No. 8491, series of 1998, The Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms and other Heraldic Items and Devices of the Philippines, rule 4, chapter II, sec. 42 ng Surian na ang paraan ng pag-awit sa Lupang Hinirang, mapatinutugtog ito o inaawit, ay batay sa kung anong paraan ang nilikha ni Julian Felipe na martsa at batay sa orihinal na titik nito sa wikang Filipino. Ito’y sinususugan naman ng Department Order # 5 noong Mayo 26, 1956 na pinagtibay ng Circular # 21 noong Hunyo 22, 1956 at ng Executive Order # 60 noong Disyembre 19, 1963. Idagdag pa rito na ayon sa Batas Republika Blg. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines nang 1998, kabanata VII, seksyon 48 na kakanselahin ang permit ng isang paaralan kung ito’y nilabag sa ika-2 pagkakataon (kapag paaralan ang lalabag sa nasabing batas). At sa seksyon 50 kung saan ang sinumang lalabag sa batas na ito, dayuhan man o Pilipino, ay pagmumultahin nang ‘di baba nang P 5000.00 at ‘di hihigit sa P 20, 000.00, o isang taong pagkakabilanggo. At kapag opisyal ng pamahalaan ang lumabag, ganoon din ang kaparusahan, subalit ang kataas-taasang pasya ay hawak ng Pangulo ng Pilipinas o ng pinuno ng Surian.
Friday, April 11, 2008
UNA BULAQUEÑA: MGA KABABAIHANG BULAKENYA SA KASAYSAYAN
ni Ian Christopher B. Alfonso
Lokal na Mananaliksik,
BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan
Una Bulaqueña. Literal na nangangahulugang “isang Bulakenya” na pininta ng dakilang Pilipinong pintor na si Juan Luna noong 1890’s. Ito ngayo’y nakasabit sa dingding ng silid ng Musika ng Palasyo ng Malacañang. Nagpapakita ito ng kagandahan ng isang Bulakenya na naka baro’t saya taglay ang kilos ng isang dalagang Pilipina. Patunay lamang ito ng dakilang pagkilala ng bansa sa taglay na yumi’t ganda ng mga Bulakenya bilang sagisag ng isang tunay na Pilipina.
Sa kasaysayan, isa ang mga Bulakenya sa unang nagtaas ng pangalan ng mga kababaihan sa lipunang Pilipino. Pinatunayan nila na ang mga kababaihan ay may puwang din sa lipunan kung saan ang mga kalalakihan ang namamayagpag. At higit sa lahat, pinatunayan nila ang pagkakapantay-pantay ng mga babae at lalaki sa lipunan.
Iginagalang ng mga Pilipino ang mga kababaihan. Wala pa man ang mga Kastila ay tunay na ang pagkilala ng lipunan sa mga babae. `Di tulad ng ibang mga lahi sa daigdig na ang tingin nila sa mga babae ay mababa, busabos, alipin, kinakalakal, at pampalipas-oras.
Sa Tsina na lamang noong una ay napakababa ng pagtingin nila sa mga babae. Ikinukulong ang mga ito sa bahay at bawal silang lumabas. Nilalagyan sila ng malalaking pabigat sa paa upang sila’y `di makagalaw. Naiinis din ang mga kalalakihan kapag ang kanilang asawa ay `di makapagbigay ng lalaking supling, at kapag babae ang isinilang, malagim na kapalaran ang kanilang haharapin sa daigdig. At ang masaklap pa rito ay ibinebenta sila dahil tila ito na lamang ang pakinabang nila sa mga babae.
Napakapalad ng mga Pilipino. Tila niloob ng Panginoon na ating igalang ang mga kababaihan. Bagama’t sila’y gumagawa ng gawaing-bahay lamang, malaki pa rin ang pag-aalala ng mga kalalakihan sa kanila. Hindi sila pinagtatrabaho ng mga gawaing panlalaki sapagkat kanilang inuunawa ang kalagayan ng mga kababaihan. Kaya’t naging kultura na ito ng mga Pilipino noon at magpahanggang-ngayon na tinatawag na pagkamaginoo.
Mahalaga din ang tungkulin ng babae sa sinaunang lipunang Pilipino. Sila ang nagsisilbing puso ng mga kalalakihan sapagkat pahirapan ang panunuyo sa mga ito. Bawal hawakan ni-katiting na bahagi ng kanilang damit, bawal makita ang sakong, bawal magtinginan at magdikit, at marami pang ibang bawal at konserbatibasyon sa mga Pilipina. Kaya’t noon pa man ay isang napakalaking kaloob na ng Panginoon ang makapangasawa ang mga kalalakihan noon sa likod ng maraming hirap sa buhay, makuha lamang ang kamay ng babaeng nililiyag.
Bukod dito sila’y nagsilbing instrumento para sa mga yumao nilang mga ninuno. Sila ang nagsisilbing mga babaylan, catalonan, baylan, at iba pang tawag dito, kung saan sa kanluran ay pahirapan pa ang pagiging alagad ng simbahan ng mga kababaihan. Tagapayo din ng mga pinunong bayan ang mga babaylan tuwing panahon ng digmaang bayan at sila ang nagbabasbas sa mga bayani o mandirigma ng bayan bago sila sumabak sa laban. Patunay lamang ito na buong-buo sa puso ng mga Pilipina ang pagiging ina `di lamang ng kanyang mga sariling anak kundi ng mga anak ng bayan, ang mga taumbayan.
Buhay ang diwang ito sa mga Bulakenyo. Duyan ng kasaysayan at kalinangan ang Lalawigan ng Bulacan, at dahil dito nanalaytay sa dugo ng sinuman ang damdaming bayani o mandirigma. Ang ganda, tatag, talino, busilak na pagmamahal, yumi, makapanginoon, at pagmamahal sa bayan ay tunay na nakatimo na sa puso’t diwa ng mga Bulakenya.
Hindi aksidente sa kasaysayan ang pagkakasulat ng mga kababaihan, lalo na ng mga Bulakenya sa kasaysayan. Ito’y sapagkat buhay ang diwang bayan ng mga Bulakenya noon at magpahanggang-ngayon, at dito napabantog ang Bulacan. Ayon nga kay Dr. Jaime Veneracion “…tuloy po kayo sa lalawigan ng mga bayani at naggagandahang mga dilag…”
Sinong `di makakalimot sa tanyag na dalagang Calumpiteña na si Leoña Josefa Roxas y Manio na kinikilala sa kasaysayan bilang si “Pepita Roxas” na nagpaibig sa noo’y bumisitang hari ng Cambodia sa Pilipinas na si Haring Norodom I noong 1872. Pinakita ni Pepita Roxas ang talino, pagkamagalang at yumi ng isang Pilipina nang kanyang tinanggihan ang Hari na siya’y maging reyna ng
Isama pa natin ang makasaysayang trahedya na binuhay sa dakilang nobelang Pilipino na Noli Me Tangere na si Sisa at ang mga anak nito na sina Crispin at Basilio. Ang mag-inang ito na lumitaw sa Noli ay orihinal na walang pangalan at nang mabasa ito ng Bulakenyong si Marcelo H. del Pilar ay naalala niya ang magkamukhang kapalaran at kalagayan ng mag-inang Sisa ng Hagonoy, Bulacan kaya’t iminungkahi niya kay Dr. Rizal na pangalanan ang mag-ina na “Sisa, Crispin at Basilio”. Ayon kay Prop. Rolando Gaspar ng
Isali pa natin dito ang dakilang nagawa ni Henerala
Ilan pa rito ay sina Maria “Iyang” Rodrigo (ang sinasabing babae sa likod ng Una Bulaqueña), Doña Rosario Viscarra (Tandang Sora ng Baliuag noong panahon ng mga Hapon), Pura Santillan Castrence (unang babaeng diplomat), Carmen Camacho de Romillos (direktor), Carmen de Luna (nagtatag ng Centro Escolar University), Rosa Sevilla Alvero (nagtatag ng Instituto de Mujeres), Dr. Belen Gutierrez (naging pangulo ng Philippine Women’s University), Dalisay Aldaba (kilalang pilantropo at tauhan ng mga opera), Kathy dela Cruz (reyna ng jazz at reyna ng tanghalang Pilipino napatanyag bilang bahagi ng Sampaguita Pictures), Concepcion Felix de Calderon (nagtatag ng kauna-unahang samahan ng mga kababaihan sa Pilipinas, Asosacion Feminista de Filipinas), Soledad Airan (tagapagtatag ng Bulacan Women’s Club), Dolores Ablaza (tagapagtatag ng Bulacan Ladies’ Association), Trinidad Legaspi Tarrosa Subido (kinikilalang “Elizabeth Browning” ng Pilipinas), Lydia de Vega (pinakamabilis na babae sa Asya), Victoria Santiago vda. de Tengco (nagpakilala ng Baliuag Transit), Dolores Maniquis (nagpasimula ng industriya ng sambalilong buntal sa Baliuag), Anita Guidote Guanzon (nagpatayo ng Mahal na Groto ng Lourdes sa Lungsod ng San Jose del Monte), Melanie “Kyla” Calumpad (RnB princess na pinuri ng mga Pilipino dahil sa kanyang itinama ang pag-aawit ng Lupang Hinirang), Regine Velasquez (kilalang mang-aawit), Roxanne Barcelo (kilalang mang-aawit), Jewel Mische (kilalang artista), Jolina Magdangal (kilalang mang-aawit), Isay Alvarez (Miss Saigon ng Bulacan), at marami pang iba.
Maari din nating ibahagi ang katotohanang Bulakenyo ang unang nag-isip ng konseptong “Inang Bayan.” Ito ay si Francisco Balagtas kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay tinawag ng isang Pilipino na “Ina” ang bansang Pilipinas. Lumitaw ito sa kanyang dakilang awit na Florante at Laura, at mula noon ay kumalat na ang katawagang “Inang Bayan.” Ginamit ito ni Andres Bonifacio bilang pantawag at inspirasyon ng lahat kung saan ay ibibigay ng mga “Anak ng Bayan” ang lahat para sa kalayaan ng “Inang Bayan.” Naging simbolo din ito ng
Marahil, sampu nang `di pa nababanggit na iba pang mga dakilang Bulakenya, ay pinakadakila’t pinakatanyag na sa lahat ang kadakilaan ng 21 Kababaihan ng Malolos. Pinatunayan nila na ang edukasyonay `di lamang para sa mga kalalakihan, may kaya’t mga Kastila kundi para rin sa mga kababaihan. Gayundin ay pinakita nila ang pagiging dugong bayani ng mga Bulakenya dahil sa pagharap nila sa mga frailes at mga opisyal na Kastila sa ngalan ng pagkilala sa mga kababaihan sa lipunan at pagkakaroon nila ng karapatan sa edukasyon. Naging aktibo rin sila sa Rebolusyon sa pamamagitan ng paglahok nila sa Cruz Roja o Red Cross na gumamot sa mga sugatang rebolusyunaryo, at naging alagad rin sila ng lipunan tungo sa kaliwanagan at katwiran sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga usaping panlipunan at pampulitika.
Marami pang mga Bulakenya ang `di pa na sasaliksik hinggil sa nagawa nilang pangalan sa kasaysayan. Marami pa ang `di nababanggit dito sapagkat lubhang napakarami nila kung ihahanay pa ang mga ito ng isa-isa. Ito’y patunay lamang na ang Bulacan ay lundayan `di lamang ng kasaysayan, ng kalinangan, ng mga bayani, ng mga makata, ng mga makabayan, at marami pang iba, kundi lundayan ng mga “Unang Bulakenya” sa kasaysayan at lipunan."
__________________________________
…Ang babae, kung saan ang kanyang sinapupunan ay ang unang tahanan ng sangkatauhan, ay kailangang igalang sa munting institusyong tinatawag na pamilya; kung saan siya ang nakabantay dito sa maraming kadahilanan — ang pagiging isa ng pamilya, pananggalang sa panganib, at iba pang anyo ng kaayusan, at paglumaon ay magiging isang pamayanan at siya’y magiging isang ganap na panahanan…
Quoted from Sen. Manuel B. Villar’s Bill
And attributed to former senator Helena Z. Benitez
by Rina Jimenez – David
The Philippine Daily Inquirer
Tuesday, November 13, 2007, A11
Translated by
Para sa Ika-119 na Guning-taon ng Pagsulat ng Dakilang 21 mga Dalaga ng Malolos, Bulacan kay Gov. Hen. Valeriano Weyler
Disyembre 12, 1888 – Disyembre 12, 2007
Isang Dekada ng Patuloy na Pagsulong
Isang pribilehiyo at isang hamon ang mahirang na Direktor ng BulSU-Bahay-saliksikan ng Bulacan. Ako’y naniniwala na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng isang institusyon na gaya nito upang higit na mapayabong ang nasyonalismo sa ating mga kababayang Bulakenyo.
Sa pagpasok ng taong 2008, ang Bahay-saliksikan ay magdiriwang ng ikasampung taong pagkatatag nito mula noong Hunyo 1998. Mainam na lingunin ang nakaraan kung nasaan na ba ang Bahay-saliksikan matapos ang isang dekada, ngunit mas mahalagang tumuon sa hinaharap.
Bilang paggunita ng Bahay-saliksikan sa ikasampung taon nito ay maglulunsad ito ng “10 sa Ika-10 ng Bahay-saliksikan.” Ang proyektong ito ay binubuo ng sampung mga pangunahing gawain ng Bahay-saliksikan sa 2008 kung saan dito ibubuhos ang paggunita nito sa sariling anibersaryo.
Mithiin pa ng aking administrasyon sa Bahay-saliksikan na pag-ibayuhin ang paglalathala, publikasyon at pag sasaliksik, kasama ngunit hindi limitado sa mga paksang pangkalinangan at pangkasaysayan. Layunin din ang mas maigting na pakikipag ugnay sa iba’t ibang samahang sibiko at historikal maging sa loob at labas ng Lalawigan ng Bulacan.
* * *
Ayon nga sa aming napiling paksa ngayon para sa ikasampung taon ng Bahay-Saliksikan (na orihinal na inisip ng dating direktor nito na si Prop. Reynaldo S. Naguit), Bulakenyo ka, PILIPINO.
AGNES DR CRISOSTOMO
Direktor, Bahay-saliksikan